KUNG epektibo ang tinatawag na people power laban sa mga problemang politikal, lalung mabisa ang prayer power sa ano mang uri ng problema dahil Dios na ang hinihingan natin ng tulong. 1 John 4:4 “Greater is He who is in you that he who is of this world.” At iyan mismo ang gagawin ng Intercessors for the Philippines sa gitna ng tumitinding tension ng Pilipinas at China sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.
Isang 72-oras na worship, warfare, intercession (WWI) sa pangunguna ng IFP at ng Nameless, Faceless Servant (NFS), Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC) at iba pang grupo ang okasyon. Ito’y idaraos sa Cuneta Astrodome, Pasay City sa Mayo 19 simula 6 a.m. hanggang 6 p.m.
Ayon kay Bishop Daniel Balais, IFP chairman at senior pastor ng Christ, the Living Stone Fellowship (CLSF) Church, ang okasyon ay dadaluhan ng mga mananampalataya upang magpuri, makibaka, at mamagitan sa kapakanan ng bansa na sa kasalukuyan ay dinuduro ng China. Kasama rin sa ipananalangin para huwag matuloy ay ang planong pagpapatayo ng gambling city dito sa bansa.
“Ang pakikipagdigma ay sa Diyos at hindi ito sa atin. Hindi din ito nakukuha gamit ang lakas o kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng Espiritu ng Diyos kapag tayo ay sumasamba, nakikibaka at namamagitan,” dagdag ni Bishop Balais.
Nakababahala na tila naglulubha ang tension sa naturang lugar. Pati ang United States ay ayaw mag-commit ng tulong sa atin maliban sa pagsasabing kailangan dito ang diplomatikong solusyon. Ano naman ang laban ng maliit na bansang gaya natin sa isang dambuhalang military at economic power gaya ng China? Sabi mismo ni Defense Chief Volt Gazmin, “langgam lang tayo at ang China ay elepante.”
Kaya kung wala man tayong mga warships para sumabak sa Giyera, meron naman tayong kakayahang mag-worship. O di ba? Nalulugod ang Dios at nananahan sa tapat na pagsamba ng mga nananalig sa Kanya.
Naniniwala ako sa lakas ng panalangin. Pa nalanging nagmumula sa puso ng mga tunay na nananampalataya. Other people may take it with a smirk but I believe in the power of God.