EDITORYAL - Salain nang todo ang party-list groups

NAKAKAPAGTAKA kung bakit napakaraming party-list groups ang nagnanais makalahok sa midterm election sa susunod na taon. Sa inilabas na tala ng Commission on Elections (Comelec) nasa 179 party-list groups ang nagpalista para makalahok sa 2013 elections.

Napakarami nang bilang na ito. Umano’y ito ang pinakamaraming bilang ng party-list groups mula nang unang ibilang ang party-lists system sa electoral process noong May 14, 2001. Ang party-list system ay isinakatuparan sa ilalim ng Republic Act 7941. Layunin nito na ang mga maliliit na political parties at marginalized ay magkaroon ng represen-tante sa House of Representatives. Tatlong sector ang maaaring irepresenta —sectoral party, sectoral organizations at coalition party. Ang sinumang magiging party-list representative ay tatanggap ng katulad nang tinatanggap ng mga miyembro ng House. Kapareho rin ang tinatanggap na suweldo at mga karapatan. May terminong tatlong taon ang party-lists representatives.

Mula nang mapabilang ang party-list sa electoral process, nagsulputan na ang maraming gustong kumatawan sa maliliit na sector ng lipunan. Namulaklak ang mga naggagandahang acronym ng partido. Bawat isa ay nagsasabing sila ang kumakatawan sa sector. Sila ang dapat na maging representative ng kanilang grupo o koalisyon.

Sa dami ng mga naghahangad na maging representative, nakakapagduda na kung totoo nga bang sila ang kakatawan sa kanilang grupo o mayroon lamang silang itinatagong agenda kaya gustong mapabilang.

Ang Comelec sa nakaraan ay nabahiran na nang mabahong putik. Mismong ang dating Comelec chairman ay sangkot sa iregularidad. Maaaring noon ay maraming nakalusot na party-list group at nabigyan ng akreditasyon kahit na hindi naman nagrerepresenta sa maliit na sector. Ginamit lamang behikulo ang party-list para sa sariling kapakanan.

Nararapat na maging maingat at mapagbusisi ang Comelec at baka mayroon na namang makalusot. Huwag nang hayaang makaladkad muli ang Comelec. Ibangon ang dangal para pagkatiwalaan sa mga susunod na halalan.

Show comments