Dr. Elicaño, ano po kaya ang nararamdaman kong pananakit kapag ako ay umiihi. Kaunti lamang po ang aking naiihi at halos ga-patak lang. Minsan nang umihi ako ay mapulang-mapula ang aking ihi. Hula ko ay may kasamang dugo ang ihi ko. Ano po ba ang bato sa urinary bladder? Ano ang sintomas ng may bato sa urinary bladder. Ako po ay 60 taong gulang.
— Mario Dimaano, Batangas City
Payo ko, magpa-checkup ka para matiyak kung meron kang bato sa urinary bladder. Nagkakaroon ng bato sa urinary bladder dahil sa bladder infections at ang pagkakaroon ng gout andthyroid disorders. Dahilan din ang pagkakaroon ng pinsala sa pantog at dehydration.
Ang sintomas nang pagkakaroon ng bladder stones ay pamamaga ng bladder mismo, masakit na pag-ihi, pagkaramdam na maiihi subalit kakaunti naman o halos walang inilalabas, pagkakaroon ng dugo sa ihi, makadarama ng pananakit ng puson.
Ipinapayo sa mga may bladder stones ang pag-inom nang maraming tubig. Dapat mag-adjust sa kanilang diet. Agapan ang paggamot sa bladder infection upang mahadlangan ang pagbubuo ng stones.
Kapag ang mga stone ay nabuo na at masyadong malaki para sumama sa ihi, operasyon ang kailangan dito at isasagawa sa dalawang paraan, ang lithoplaxy at lithotomy. Sa lithoplaxy, lalagyan ng instrument ang bladder na padadaanin sa urethra. Babasagin nito ang stone sa maliliit na piraso para mailabas. Sa lithotomy, ito direktang pag-aalis ng stones sa pamamagitan ng incision.
Kung mayroong infection, maaaring i-prescribed ang antibiotics at mga gamot na magpapabago sa acidity ng ihi.