KAMAKAILAN, nagpatawag ng Energy Summit si President Noynoy Aquino, upang solusyunan ang kakula-ngan ng koryente sa Mindanao. Mula tatlo hanggang 10 oras na ang nararanasang brownout araw-araw doon. Sisinghap-singhap ang supply ng koryente mula sa Agus 6 Hydropower Plant. Sa tema ng Energy Summit hinikayat ni P-Noy ang mga private investors na mamuhunan upang makapagpatayo ng mga bagong planta ng enerhiya upang matugunan ang kakulangan ng koryente. Nangangahulugan ito ng karagdagang bayarin mula sa costumer.
Hindi pa man naisakatuparan ang plano ni P-Noy mara-mi na ang kumukontra dahil aabot sa P14 per kilowatts ang magiging bayarin ng mga consumer. Mukhang maling impormasyon ang pinakakalat ng ilang walang magawa sa ating lipunan. Sa halip na suportahan ang pagpupursigi ni P-Noy sa paghikayat sa mga investor, marami na agad ang tumututol. Bakit hindi natin subukan ang kakayahan ni P-Noy nang mapadali ang pagdaloy ng koryente. Kung magiging matagumpay ang electrification project ni P-Noy sa tulong ng mga private investor tiyak na magiging suwabe ang daloy ng koryente. Dadami ang magtatayo ng pabrika na lilikha ng trabaho sa mga kanayunan. Dadami ang mabibiyayaan ng trabaho dahil sisigla ang negosyo.
Ang Agus 6 ay wala nang kakayahan na magsuplay ng koryente dahil luma na. Umano’y 59 na taon na itong pinakikinabangan kaya dapat nang magretiro. Sa tulong ng private investors tiyak na makapagtatayo ng mga bagong planta ng enerhiya. Siyempre tataas ang bayarin sa koryente subalit hindi naman aabot sa P14 per kilowatts. Hindi na kayang patakbuhin ng normal ang Agus 6 dahil kulang na ang tubig na umaagos na nagpapaandar nito. Gayunpaman, patuloy pa rin ang paghahanap ni P-Noy ng panandaliang solusyon sa problema gaya ng paglalaan ng P2.6-bilyon para sa large-scale reha-bilitation ng Agus 6.
Kalbo na ang mga kabundukan sa Mindanao dahil sa pagtutroso ng mga tusong negosyante sa mga nagdaang administrasyon. Kaya mga suki, suportahan ang plano ni P-Noy upang maibalik ang sigla ng koryente sa Mindanao. Tigilan ang maling sapantaha upang maisulong ang elecrification project na lulutas sa brownout.
Abangan!