'Biyaheng out of line'
TAG-INIT na naman kaya karamihan sa ating mga Pilipino, dumarayo pa sa iba’t ibang probinsiya sa bansa para mag-outing. Ang ilang mga magkakapamilya, magkakatrabaho o magkakaibigan, umaarkila pa ng sasakyan para sama-samang makarating sa kanilang paroroonan.
Pero para sa mga may planong umarkila ng pampublikong sasakyan tulad ng jeepney, FX taxi o bus, basahin munang mabuti ang kolum na ito kung ayaw ninyong maperwisyo ang inyong lakad.
Isang e-mail ang natanggap ng BITAG mula sa isa sa aming mga tagasubaybay. Narito ang bahagi ng kanyang liham:
“Nagkataon po kasi na kami ng aking pamilya ay umarkila ng isang pampublikong jeepney, maayos naman po ang aming biyahe nung umpisa binabagtas ang kalsada ng NLEX, pero pagsapit ng San Fenando Exit, kami po ay biglang hinarang nitong grupo ng masisipag na kawani ng LTFRB, na kami raw po ay may violation na OUT OF LINE, na kinakailangan pa daw po namin kumuha ng permit para lang makadaan gamit ang ganitong uri ng sasakyan sa labas ng linya nitong prangkisa...
Sa kabila na may nakalagay na “family use” at sarado ang mga pinto na may nakalagay na “Private Use”, pinagpilitan pa rin po ng kawaning ito na may name plate na Diaz, na kami’y nagkamali at tuluyang tinikitan,.. Pwede naman daw pong aregluhin sa halagang 3000 pesos, na sadyang napakataas,..
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, hindi naman ipinagbabawal ang paggamit ng pampublikong sasakyan sa labas ng kanilang naka-rehistrong ruta. Pero bago ito magamit sa ibang lugar, kinakailangan munang kumuha ng permit mula sa tanggapan ng LTFRB ang mga drayber o operator ng sasakyan.
Kung hindi nakakuha ng permit at lumabas sa ruta ang pampublikong sasakyan, malinaw itong paglabag sa batas dahil sa violation nitong out of line.
Isa kasi ito sa mga kampanyang mahigpit na ipina-tutupad ng LTFRB para sa kaligtasan ng mga pasaherong bumibiyahe.
Hindi lamang inilalagay ng mga drayber ang kanilang sarili sa pagkakataong mahuli ng mga ahente ng LTFRB pero maging ang buhay ng kanyang mga pasahero ay nasa panganib din. Dahil kapag naaksidente ang pampublikong sasakyang bumibiyahe ng out of line, wala ring habol ang mga pasaherong nakasakay dito dahil hindi sasagutin ng insurance company ang anumang pinsala.
Mumultahan ng P250 para sa unang pagkakahuli, habang P500 naman sa pangalawang beses na paglabag ang mahuhuli. Sa ikatlong pagkakataon na lalabag sa parehong violation ang drayber ng pampublikong sasakyan, multang P750 na at suspensiyon sa kanilang lisensiya ang igagawad na kaparusahan.
Ang mga operator naman ng sasakyang gamit ay mumultahan din ng mula P1,000 hanggang P2,500.
Kaya naman paalala ng BITAG sa mga may planong mag-outing ngayong summer, kung mag-aarkila ng pampublikong sasakyan, siguraduhing may permit na muna ito mula sa LTFRB. Hindi ba’t mas mabuting bumiyahe ng walang abala? Mainit na ang panahon, kaya huwag na nating dagdagan pa ang init sa ating mga ulo sa mga perwisyong maaari namang maiwasan.
- Latest
- Trending