EDITORYAL - Dagdagan pa ang barkong panggiyera
MABUTI na lang at mayroon nang BRP Gregorio del Pilar ang Pilipinas bago naganap ang standoff sa Scarborough Shoal. Paano kung wala, e di lalo nang naging kawawa ang Philippine Navy na binu-bully ng China. Tama lang at eksakto ang pagkakaroon ng warships (kahit na luma) sapagkat may naipanangga sa surveillance ship ng sangganong China. Kung wala ang Gregorio del Pilar, baka patuloy na nambully ang China. Napatunayan na malaki ang papel ng barkong panggiyera sa sitwasyong ganito. Kahit paano, mapipigil ang sinuman na pumasok sa teritoryo. Kung saka-sakali at magpaputok ang mga sanggano sa barko ng Pilipinas, maaaring makaganti. Ang mga bully ay walang gagawin kundi ang mambuska hanggang sa maganap ang hindi inaasahan. Kaya mabuti na lang at may kaisa-isang barkong panggiyera.
Ngayong napatunayan na malaki ang papel ng barkong panggiyera, dapat na madagdagan pa ito. Kung magkakaroon ng iba pang barkong panggiyera na magbabantay o nakaantabay sa teritoryo ng Pilipinas gaya ng Scarborough Shoal, hindi na masasabing agrabyado. Iprayoridad ng gobyerno ang pagbili pa ng mga barkong panggiyera. Nga-yong ang China ay tila walang pakialam sa kanyang mga katabing bansa, dapat maging handa at alerto. Kahit paano makakalaban ang Pilipinas kahit luma ang barkong panggiyera.
Hindi titigil ang China sa pambu-bully. Kung nagawa ng kanilang mangigisda na makalapit nang husto sa Pilipinas, tiyak na sa mga susunod na panahon ay malakas na ang kanilang loob at lalapit pa sa pag-aari ng Pilipinas. At sa pagkakataong ito baka hindi na maiwasan ang komprontasyon.
Natesting naman sa standoff ang tapang ng mga sundalo ng Philippine Navy. Naipakita nila na kayang makipaggirian sa higanteng China. Hindi bumabahag ang buntot at walang nakitang takot. Walang nakitang pag-atras.
Ganunman, ang mapayapang pag-uusap pa rin ang nararapat na mamamayani at saka na lang ang komprontasyon. Daanin muna sa usapan at hindi sa putukan.
- Latest
- Trending