^

PSN Opinyon

'Mga panganay ni Luga'

- Tony Calvento -

ANG ibang nagmamahal kapag nahihirapan matapos mong ipaglaban, tatalikod sa kanyang responsibilidad… Bigla ka na lamang iiwanan.

Ito ang napatunayan ni Angeli Germino, 28 anyos ng Marikina City.

Lihim na relasyon. Dito pumasok si Angeli o “Angie” walong taon na ang nakakaraan.

Dise nuebe anyos pa lang si Angie nun. Third year college siya ng kursong Management sa St. Paul University, Quezon City nang makilala ang noo’y 25 anyos na si Ryan Bernardino Lamon mas kilala sa bansag na “Luga”.

Malaki ang diperensya ng antas ng pamumuhay nila Angie at Luga. Lumaki sa isang Subdibisyon sa Marikina si Angie. Tubong Purok 7 naman si Luga.

Taong 2003 nang magkakilala ang dalawa sa isang ‘group date’. Kapitbahay si Luga ng kaibigan ni Angie na si “Pia”, isa ring Paulinian.

Maputi, singkit, matipuno. Ganito unang inilarawan ni Angie si Luga na noo’y ‘factory worker’ sa Purefoods, Marikina.

“Undergraduate siya ng Computer Science sa CCP. Hindi na siya nakapagtapos gipit daw kasi sila,” kwento ni Angie.

Ilang beses sumama si Angie sa group dates nila Pia at mga kaibigan. Sila lagi ni Luga ang mag-partner.

“Wala naman talaga sa isip ko mag-boyfriend nun. Pakikipagkaibagan lang ang hanap ko pero di nagtagal nagsolo na kami magdate,” sabi ni Angie.

Naging madalas ang paglabas ng dalawa. Araw-araw din silang magka-text. Unang beses magpaligaw ni Angie kaya kahit bawal pa siyang magka-boyfriend sinagot niya ang binata.Si Luga ang unang lalake sa buhay ng dalaga. Si Luga naman dating playboy na naging stick-to-one na daw.

“Pinatunayan niyang hindi na siya pabling. Wala kaming naging problema hanggang nung maka-graduate ako. Yun nga hindi ko siya mapakilala sa magulang ko. Nahuli na kami sa mall dati. Pinaghiwalay lang kami,” pahayag ni Angie.

Naghanap-buhay si Angie bilang Med Rep sa Global Habits. Si Luga naman nagtrabaho sa Munisipyo ng Marikina. Taga-huli siya ng mga colorum na tricycle.

Tutol man ang mga magulang sa relasyon ng dalawa, hindi nagpapigil si Angie. Nilihim nila ang relasyon hanggang pumasok ang taong 2006. Nakarating kay Angie ang tsismis na may babae si Luga. Isang nagngangalang “Anne” umano ng Sto Niño, Marikina. Nakilala rin ni Luga sa isang group date.

Kinumpronta ni Angie si Luga. Umamin si Luga subalit nadala lang daw siya sa babae, makulit daw kasi.

“Hihiwalayan ko din naman siya.. Tumityempo lang ako! Ikaw ang mahal ko!” sabi ni Luga.

Pinagbigyan ni Angie si Luga. Inakala ni Angie na hiwalay na ang dalawa pero tuloy pa rin pala ang kanilang relasyon. Tinanggi naman ito ni Luga.

“Friends na lang kami. Close lang talaga. Hindi ko siya pwedeng pabayaan baka lokohin siya ng ibang lalake… kawawa naman.” giit ni Luga.

Inintindi ni Angie si Luga. Sa pangalawang pagkakataon naniwala siya. Isang taon ang lumipas nakita ni Angie ang ‘friendster account’ (dating Social Networking Site) ni Anne. Nagulat siya nang makita ang mga larawan ni Anne kasama si Luga. Dun niya napatunayang isang taon na palang may relasyon ang dalawa. Hindi pala sila naghiwalay.

Sa pagkakataong ito, walang paliwanagan nakipaghiwalay siya kay Luga.

“Space muna tayo!” wika ni Angie.

Panay ang text, paghingi ng patawad nitong si Luga sa dalaga. Hindi na ito pinansin ni Angie. Ilang buwan makalipas nagkita ang dalawa sa ‘swimming party’ ni Pia. Nilapitan siya ni Luga… kinausap at nakipagbalikan.

“Totoong kami pa rin ni Anne pero maniwala ka! Iiwan ko na siya. Naguluhan lang talaga ako kasi sabi ni Anne ayos lang kahit pangalawa siya. Hihiwalayan ko yun…Naghahanap lang talaga ko ng tiyempo,” giit ni Luga.

Hindi natiis ni Angie si Luga. Nakipagbalikan siya. Tinago nila sa lahat ang relasyon. Naging mas mainit ang relasyon nila. Madalas silang pumunta ng ‘motel’ at dun nagsi-sex.

Ang hindi alam ni Angie, nag-aapoy din ang relasyon ni Luga at Anne. Taong 2008 nang mabuntis ni Luga si Anne.

“Akala ko hihiwalayan mo na. Eh bakit binuntis mo?” sabi ni Angie.

“Gagawa ako ng paraan. Wag mo lang ako iwan,” sagot ni Luga.

Hindi iniwan ni Luga si Anne hanggang sa manganak ito. Si Angie hindi rin iniwan itong lalake hanggang siya naman ang mabuntis.

“Sinabi kong buntis ako. Nangako siya, pananagutan daw niya ang bata. Hihiwalayan niya na si Anne…” ayon kay Angie.

Akala ni Angie, tutupad na si Luga subalit hindi na niya kinaya ang sumunod na nalaman. Kasal na pala si Anne at Luga.

Hindi malaman ni Angie ang gagawin. Tinago niya ang pagbubuntis sa mga magulang. Patuloy ang paglaki ng kanyang tiyan kaya’t kinailangan din niyang umamin. Nagalit ang ama’t ina ni Angie.

“Akala ko ba matagal na kayong hiwalay ng lalake iyon!” sabi kay Angie. Mas namuhi ang magulang ni Angie sa kanya nang malamang kasal si Luga sa iba. “Iwan mo ang Lugang yan! Wala kang mapapala dyan!” dagdag pa nila.

Hindi nakatuntong ng bahay nila Angie si Luga. Nung manganak si Angie, dun lang nila nakita ng personal ang ama ng kanilang apo.

Hindi man nagsama ang dalawa. Binibisita ni Luga sa bahay ang anak nilang lalake.

Hulyo 2011, may balita ulit na nakarating kay Angie. May bago daw babae itong si Luga. Isang “Jen” umano naman. Nakatira sa isang ‘exclusive subdivision’ sa Marikina.

Si Jen ang dating ka-live in ng kumpare nila ni Anne na si Jeremy. Sinulot daw nitong si Luga si Jen kay Jeremy.

Buwan ng Nobyembre 2011, nagulat si Angie nang tawagan na lang siya ni Jeremy, “Gago yang boyfriend mo! Inahas ang asawa ko! Pinainom-inom ko pa sa bahay namin yun pala ahas!” sabi umano ni Jeremy.

Parang kinilabutan daw itong si Angie nang marinig ang sinabi ni Jeremy.

“Natauhan ako. Hindi na tama! Isip-isip ko nun… sakit na ata itong ginagawa ni Luga. Ngayon naman asawa ng kumpare niya ang pinatos niya?” sabi ni Angie.

Sa ngayon, nakapisan na umano si Luga sa bahay ni Jen. Buntis na rin daw ang babae. Si Anne naman wala na ring pakialam sa asawa, naka-‘move on’ na daw ito.

Ang gusto lang daw ni Angie ay suportahan nitong si Luga ang kanilang anak. Wala na daw siyang balak balikan ito. Kaya nagpunta siya sa amin.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”, ng DWIZ 882 KHZ(tuwing 3:00-4:00) ang istorya ni Angie.

Bilang tulong, ni-refer namin siya sa Public Attorney’s Office, Marikina para asistehan siya sa kasong maari niyang i-file. Ang R.A 9262 o Violence Against Women and Children.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang ginagawa ni Luga sa palagay niya macho siya. Magaling siyang lalake dahil marami siyang nabubuntis na babae. Ang buong katotohahanan sa ‘sex’ ka lang magaling at may problema ka sa iyong pagkalalake’t pagkatao dahil hindi ka marunong maging responsable. Aanhin mo ang lahat ng kayamanan, karangyaan o kapangyarihan sa mundong ito kung ang buhay ng mga batang kinaladkad mo sa mundong ito ay hindi mo man lang maayos? Walang kwentang tao ka pa rin. Ang isang caballero kailan man hindi tinatalikuran ang mga señoritang kanyang nalalahian. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Address 5th floor City State Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

vuukle comment

ANGIE

LANG

LUGA

SI LUGA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with