'Salisi gang na gumagala sa mga job fair'
Pagbati mula sa grupo ng BITAG sa lahat ng nagtapos ngayong Marso at Abril 2012, lalo na sa mga kolehiyo. Napagtagumpayan niyo ang mga hamon sa inyong pag-aaral at mga kurso.
Ngayon, bagong pagsubok ang inyong kakaharapin dahil ilang libong fresh graduates na naman ang dadagdag sa mataas na statiska ng unemployed citizen sa Pinas.
Kaya naman ang mga ahensiya ng ating pamahalaan, sa pakikipagtulungan ng mga pribadong kumpanya sa bansa ay double time na sa mga stratehiya kung paano magkaka-trabaho ang ating mga kababayan.
Isa rito ay ang kabi-kabilang job fair sa iba’t-ibang panig ng bansa. Babala sa mga naghahanap ng trabaho, kayo ang target na biktimahin ng mga talpulanong dorobo sa panahong ito.
Narito ang e-mail ng isang biktimang jobseeker. Basahing maigi at maging babala sa lahat:
May jobfair po kasi sa mall of asia, may nakilala po din ako na applicant. Nagkakilala lang po kami nung monday sa sm Makati. Hindi po kmi natanggap sa aming inaplayan kaya kinuha po niya ung cp # ko. Umaga po ng martes mga 7am nagtxt po siya sakin mag-apply dw po kami sa moa my job fair po. Sa araw din po na ‘yun nagkta po kmi s jollibee guadalupe pinakain pa po niya ako sa kfc dahil sigurado daw po matatagalan kmi sa moa. Hindi ko po alam na may balak na pala siya. After po namin kumain nag-ordinary bus po kami papuntang moa sabi po niya cr dw po muna kami. Nauna po siya nag-cr iniwan niya sakin bag niya, pero saglit lang po siya kaya po nung nag-cr din ako iniwan ko rin po sa knya yung bag ko. Paglabas ko po wala na po siya. Nakuha po niya lahat ng mga documents na dala ko para po pang apply. 2cp at wallet po mga important id’s k po. Pakilala po niya sakin Joan daw po name nya at taga-tramo pasay daw siya. Sana po matulungan nyo ako at iba pang nabiktima.
—(Name withheld)
Ang modus na ito ay estilo ng Salisi Gang. Kaya’t laging paalala ng BITAG, mag-ingat sa pakikipag-usap at pakikipag-kaibigan sa mga estranghero.
Huwag na huwag iwanan o ipagkatiwala ang inyong mga gamit kahit kanino. Ang mga dorobo, kapag nakakita ng pagkakataon ay agad isinasagawa ang maiitim na balak.
Namu-mroblema ka na nga sa paghahanap ng trabaho, bibiktimahin ka pa ng mga peste ng lipunang manggagantso. Mag-ingat at tandaan, laging nasa huli ang pagsisisi.
- Latest
- Trending