Palpak ang Bureau of Fire Protection?
SINADYA nga bang sunugin ang Ever Gotesco Grand Central o kulang sa kaalaman ang Bureau of Fire Protection ng Caloocan Fire District? Kasi nga umabot ng tatlong araw ang sunog sa mall kaya laylay-balikat ang mga maliliit na stall owner matapos matupok ang kanilang mga paninda. Ang masakit, mukhang wala na silang pag-asang makabawi sa mga natupok na paninda dahil mga walang Insurance ang karamihan sa stall owner, di tulad ng Ever Gotesco Grand Centeral na kahit na gumuho ang lahat ng buong gusali nito ay mas malaki pa sa halaga ng kanilang Mall ang makokolekta sa Insurance. Dahil diyan, agad kumilos to the rescue si Mayor Recom Echiverri at hiniling nito kay DILG secretary Jesse Robredo ang malaliman na imbestigasyon upang mapanagot ang may pagkukulang. Lumalabas kasi na noong Biyernes ng gabi nang biglang umusok ang basement ng naturang gusali at agad namang nagdatingan ang mga pamatay sunog ng Caloocan City at ang isang katerbang Fire Volunteers mula sa iba’t ibang Chapter sa Metro Manila.
Subalit pinagkaitan silang makapasok ng mga guwardya umano ng naturang Mall. Mukhang natakot ang mga sekyu sa pagnanakaw ng mga bombero kaya hinigpitan nila ang pagbabantay. Sa madaling salita, nasunod ang kagustuhan ng mga sekyu ngunit sa kalaunan ay pinayagan na nila ito na makapasok upang puksain ang ga-empiyernong apoy na lumalamon sa gusali. Ngunit huli na dahil kumalat na ito sa ikalawang palapag at nabalot na rin sa makapal na usok ang buong gusali kung kaya’t mahigit sa 17 bombero ang nasugatan at nalapnos ang balat. Maging ang kahabaan ng Rizal Avenue ay pansamantalang naisara sa motorista matapos na akupahin ng mga Fire Truck na nagmula pa ang ilan sa kalapit na lalawigan.
Subalit di na ito magawang makontrol dahil sa tagal ng pagliyab sa loob ng gusali. Kaya nag-iiyakan ang mga maliliit na stall owner sa labas ng gusali dahil wala man lang silang naisalba sa milyun-milyon nilang paninda. At mukhang hindi rin kanais-nais itong napabalitang sinisisi ng ilang bombero ang kanilang Fire Marshall dahil bukod umano sa lasing itong dumating sa eksena aba’y kulang pa sa kaalaman. Ano ba Sec. Robredo, paki-imbestigahan nga po ng masusi si Fire Marshall F/Supt. Oscar de Asis. Kung sabagay kung bihasa si De Asis tiyak na nakagawa na ito ng paraan na maapula ang sunog sa Ever Gotesco. Paki-imbestigahan na rin ang kumakalat na balitang nais umanong baguhin ang gusali dahil mukhang nahuhuli na ito sa mga modernong mall. At ang hiling ng mga stall owner na imbestigahan din ang “Lagayan sa pagkuha ng Fire Incident Report” na pinagkikitaan sa ngayon ng Bureau of Fire Protection. Abangan!
- Latest
- Trending