Pati kapwa-Tsino takot sa Beijing
INANUNSYO ng gobyerno ng China na tataas nang 11.2% ($110 bilyon) ang paggasta sa depensa sa taon 2012. Matapos ito ng 12.7% paglaki noong 2011 at hindi bababa sa 10% taon-taon nitong nakaraang dekada.
Sa pagpapalakas ng kanyang militar, lalo na ng Navy, pinakakaba ng China ang mga kapit-bansa. Pangunahin sa mga ito sa South China Sea ang Vietnam at Pilipinas, na may counterclaims sa China sa Paracels at Spratly islands. Sa North China Sea naman ang Korea at Japan, na may mga pinag-aawayan ding mga isla sa China.
Nababahala rin ang United States at Australia. Makakagambala sa malayang pangangalakal at kapa-yapaan sa Pacific Ocean ang biglaan at walang batayang pag-angkin ng China nu’ng 2009 sa buong South China Sea. Kasama sa sinasakop ng China ang territorial waters hindi lang ng Vietnam at Pilipinas, kundi pati Brunei, Malaysia at Indonesia.
Kinakabahan din ang Taiwan, na tingin sa sarili ay independent na bansa pero sa pananaw ng China ay napahiwalay na probinsiya lang. Para ipagtanggol ang kasarinlan, bumibili ng F-16 fighter jets ang Taiwan sa US, pero sinisinghalan ito ng China.
Pati mga kapwa-Tsino ay natatakot na sa mga pa-kana ng Beijing. Sinusuportahan ng Partido Komunista sa capital ang mga mayayamang namumuno at opo-sisyon sa Hong Kong. Pare-pareho silang na-expose na mga kawatan. Kaya nababatid na ngayon ng mga taga-Hong Kong at Kowloon special administrative region na gan’un pala ang patakaran ng Beijing: Suportahan ang mga tiwali. Hindi nalalayo ang parehong patakaran sa Macau gambling island.
Samantala, sumisidhi ang pagyurak sa protesta ng Buddhists sa probinsiya ng Tibet, mga Muslim sa Xinjiang, at dissidents sa Sichuan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending