Nang-agaw ng baril
KINARIT na ni kamatayan ang dalawang adik na lumuray at pumatay sa 7 taong gulang na bata matapos mang-agaw ang mga ito ng baril sa loob mismo ng Manila Police District-Homicide Division kamakalawa ng gabi. Maging si Sr. Insp. Joselito De Ocampo ay nagmamadali sa hagdan pababa sa kanyang opisina nang marinig ang mga putok ng baril sa loob ng kanyang opisina. At nang makitang duguan ang dalawang suspek ay agad niya itong binuhat at inutusan ang kanyang tauhan na dalhin sa Philippine General Hospital upang magamot. Ngunit kahit na singbilis pa sila ni Superman sa pagsaklolo, di na nila magawang mailigtas pa ang dalawang rapist-killer.
Makalipas ang ilang minuto, namatay na si Cecilio Bacolo, alias “June June” dahil sa isang tama ng bala sa dibdib. Makalipas ang ilang oras, namatay na rin si Roderick Soliveres, Alias “Molong” habang sinisikap ng mga doctor sa PGH Emergency Room sa tinamo nitong tama ng bala sa sintido. Samantala agad na ipinasalang sa imbestigasyon ni Sr. Insp. De Ocampo ang dalawa niyang pulis na si SPO1 Ramir Dimagiba at PO3 Rodel Benitez upang maging malinaw ang pangyayari. Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO4 Richard Lumbad na inutusan ni SPO1 Dimagiba ang dalawa na linisin ang kanilang selda dahil namamaho na kaya tumalima ang dalawa bitbit ang isang plastic container na naglalaman ng kanilang ihi. Nang mapadikit si Soliveres kay SPO1 Dimagiba sa makitid na lagusan patungo sa kusina kung saan naroroon ang comfort room ay bigla na lamang nahablot ni Soliveres ang baril sa baywang ni SPO1 Dimagiba. Nakipag-agawan ang pulis kay Soliveres sa makitid na lagusan. Pumutok ang baril at ang tinamaan ay si Bacolo sa dibdib.
Nang marinig ni PO3 Benitez ang putok sumilip siya subalit pinaputukan din siya ng dalawang magkakasunod. Napilitan si Benitez na gumanti ng putok na tumama sa sintido ni Soliveres. Agad na binuhat ang dalawang suspect dinala sa PGH subalit namatay habang ginagamot.
Mukhang may pagkukulang ang mga pulis sa puntong ito dahil nagtiwala sila sa magandang ikinikilos ng dalawang pusakal. Paano na kung napuruhan sila sa mga pinakawalang putok ni Soliveres tiyak na marami pa sa kanila ang nadamay. Sana’y maging leksyon ito sa mga pulis na maging handa sa lahat ng oras tuwing mag-eescort ng preso palabas ng selda dahil nakaamba palagi ang kapahamakan. Maraming mamamayan ang natuwa sa pag-aalis ng bitay. Ang masakit lang, malalagay sa masalimuot na sitwasyon ang dalawang pulis na nasangkot sa pagkamatay ng dalawang pusakal.
- Latest
- Trending