Impeachment sidebar: Sala-salabat na buhay
SALA-SALABAT ang buhay ng senator-judges, prosecutors, at defense lawyers sa paglilitis ni impeached Chief Justice Renato Corona.
Sa mutiny ng Marcos loyalists sa Manila Hotel nu’ng July 1986 sumumpa bilang acting President ang snap election VP running mate na Arturo Tolentino. Ang nagpanumpa ay si dating Supreme Court justice Serafin Cuevas, ngayo’y lead counsel ni Corona. Si Ferdinand Marcos, ama ni Sen. Bongbong, ang nagluklok kay Cuevas sa SC. Hinirang ni Tolentino bilang justice secretary si Rafael Recto, ama ni ngayo’y senador Ralph Recto. Itinalaga ring defense secretary si Juan Ponce Enrile, pero hindi ito sumali sa pagkontra kay President Cory Aquino.
Nu’ng Agosto ng sumunod na taon kinasuhan ni noo’y justice secretary Franklin Drilon si Enrile ng rebellion complexed with murder, dahil sa tangkang kudeta kung saan 53 ang namatay. Isa sa nagdepensa kay Enrile sa korte ay si Cuevas. Mag-fraternity brod sa U.P. Law School sina Enrile, Cuevas, at Drilon. Ka-brod din nila ang mag-amang Sen. Ed Angara, at prosecution spokesman Rep. Sonny Angara.
Nu’ng 2000 si noo’y-congressman Joker Arroyo ang lead prosecutor laban kay impeached President Joseph Estrada, ama ni ngayo’y Sen. Jinggoy Estrada.
Si impeachment prosecutor Vitaliano Aguirre ang defender ni acquitted murder indictee Hubert Webb. Isa sa mga unang prosecutors ng 1995 Vizconde massacre si Renato Cayetano. Anak ni Cayetano sina senador Alan Peter at Pia, na kumuha ng video at sumuporta sa pagpa-contempt sa pagbastos ni Aguirre kay Sen. Miriam Defensor Santiago.
Magkatuwang sa isang kasal nu’ng 1987 sina lead prosecutor Rep. Niel Tupas at PSBank manager-witness Annabelle Tiongson.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending