KARAMIHAN sa mga krimen na nangyayari ngayon ay kagagawan ng riding-in-tandem. Mula sa panghoholdap sa mga gasolinahan, convenient store, pang-iisnatch ng bag at kuwintas, ngayo’y nakalinya na rin sila sa pang-aambus. At wala nang takot ang riding-in-tandem sapagkat kahit sa katirikan ng araw at sa karamihan ng tao ay sumasalakay. Karamihan sa riding-in-tandem na sumalakay at nakapambiktima ay hindi nahuli. Paano mahuhuli gayung kulang ang pulis na nagpapatrulya sa kalye. Kung lubos na naipatutupad ang police visibility, maaaring nadakma ang riding-in-tandem na umaatake.
Gaya nang nangyaring pang-aambus kay National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director for Technical Services Atty. Reynaldo Esmeralda sa Paco, Manila noong nakaraang Martes ng gabi. Isinagawa ang pag-ambus sa isang lugar na maraming tao. Dinikitan ng riding-in-tandem ang sasakyan ni Esmeralda at saka niratrat. Mabuti na lang at hindi tinamaan si Esmeralda at pawang nabasag na salamin ang tumalsik sa kanyang mukha. Nakatakas ang riding-in-tandem.
Kung mayroong pulis na nagpapatrulya sa lugar na pinangyarihan ng pag-ambus maaaring napatay ang riding-in-tandem. Nakapagtataka kung bakit walang pulis sa lugar gayung sinabi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na ipatutupad ang police visibility dahil sa sunud-sunod na pagsalakay ng riding-in-tandem. Mabilis na nakakatakas ang mga salarin sapagkat madaling makalusot sa trapik. Pasikut-sikot sila at wala nang parang bula.
Nakikita namin ang pagsisikap ni PNP chief Director Gen. Nicanor Bartolome para mapa-ngalagaan at maprotektahan ang mamamayan pero dapat dagdagan ang bilang ng mga pulis para mapaigting ang paglaban sa lahat ng uri ng kriminal. Kung maraming pulis sa kalye, mapipigilan ang masasamang-loob. Magkakaroon naman ng kapanatagan ang mamamayan sapagkat mayroon nang sasaklolo sa kanila sa oras ng pangangailangan.