Mabilis na hustisya ang kailangan
NAGBITIW na sa Bureau of Customs si Paulino Elevado. Si Elevado ang Customs clerk na nagmamaneho ng Porsche at umano’y nambugbog at bumaril sa dalawang estudyante na hinabol niya sa SLEX. Kaya ang tanong, tapos na ba yung mga kasong isasampa sana sa kanya ng Customs? Ayon kay Commissioner Ruffy Biazon, pag-aaralan pa niya kung ano pa ang puwedeng isampa kay Elevado, partikular ang mga kriminal na kaso, at baka hindi na puwede ang administratibo.
Dapat lang. Kailangang imbestigahan din kung paano nakatagal si Elevado sa Customs nang ganyan ang pamumuhay. Kailan lang pumasok si Commissioner Biazon sa Customs, kaya hindi pa alam ang lalim ng kanyang mga nagawang mali o kuwestiyunableng mga aktibidad sa Customs. At kung may padrino. Mabuti na lang at sasampahan pa rin ng kriminal na kaso hinggil sa nangyaring insidente sa dalawang estyudyante.
Pero maganda ang tinanong kay Biazon kung mababantayan pa rin ang kinaroroonan ni Elevado ngayong bumitiw na sa Customs. Dito na raw papasok ang kriminal na kaso, na sana raw ay mabilis. Tama! Ilang beses na nating naririnig na kapag nakalabas na ng presinto matapos ang mga unang imbistigasyon ay nawawala na. Kung kailan aarestuhin na dahil may sapat na ebidensiya, nakalipad na! Ngayon, hindi pa rin mahanap sina Jovito Palparan, Ramona Bautista, at kung sinu-sino pang mga suspek na nagtago nang maging malinaw na huhulihin na sila! Isa ring halimbawa ay yung pinaka bagong insidente ng hazing sa Antipolo. Wala pang mahuling suspek, sa halip na siguradong maraming nakaaalam kung sino sila! Isang buong fraternity, hindi alam kung sino ang nakilahok sa isang hazing, may pahintulot man o wala? Naku naman. Mabuti na lang at alam ang mga plaka ng mga sasakyan na pag-aari umano ng mga nasa Antipolo. Sana matukoy na at mabigyan ng hustisya ang biktima at mga kapamilya. Balita ko pati mga kanayon ng biktima ay sumisigaw ng hustisya! Tama lang!
Ito ang dapat mabago ng mga awtoridad. Ang mabilis na pagkilos ng mga kriminal na kaso. Para naman hindi makatakas ang mga suspek. Para naman madala sila sa hustisya at maparusahan ang mga may kasalanan. Masyadong maraming suspek na malaya pa rin hanggang ngayon, para sa libu-libong mga kriminal na kaso. Minsan, may tulong pa ng mga otoridad mismo!
- Latest
- Trending