Magkapatid sina Juan at Miguel. Malapit sila sa isa’t isa kahit magkaiba ang kanilang personalidad. Masipag mag-aral si Juan samantalang bulakbol naman si Miguel. Nang sila’y lumaki, naging sikat na surgeon si Juan samantalang walang natapos na kurso si Miguel pero dahil nga sa malapit sa isa’t isa, laging tinutulungan ni Juan si Miguel sa pangangailangan nito.
Habang parehong binata, may isang batang lalaki na sinusuportahan at pinag-aaral si Juan na nagngangalang Jose. Si Jose ay anak sa labas ni Carolina pero hindi kilala kung sino ang ama. Sagot ni Juan ang lahat ng gastos ni Jose sa eskwelahan at siya ang namamahala sa pag-aaral nito kahit pa nag-asawa na siya.
Paminsan-minsan, sinisita ni Juan si Jose at pinababantayan ang mga oras na ginugugol nito sa pag-aaral. Isang beses, sumulat pa si Juan at sinermunan ang bata sa pagpupuyat at sa hindi nito pagpirmi sa bahay para mag-aral at tumulong sa nanay nito. Ang sulat ay pinirmahan ni Juan at may nakasulat sa dulo na “Su Padre”. Ang mga report card ni Jose ay pinipirmahan din ni Juan sa ispasyong dapat pirmahan ng magulang o guardian ng bata.
Sa kalaunan kinasal na rin si Jose at napangasawa niya ang pamangkin ng asawa ni Juan. Nakasulat sa kasamiyento ng kasal na si Juan ang ama ni Jose at ang kapatid naman nitong si Miguel ay nakasulat bilang isa sa mga ninong. Si Miguel noon ay may asawa na rin nguni’t pumipisan pa rin kina Juan at ng asawa nito.
Nadiskubre ni Jose na ang tunay pala niyang ama ay si Miguel. Lumalabas na pinagbigyan at tinulungan lang ni Juan ang kapatid sa pagpapalaki sa kanya. Ang resulta nito, gumawa ng salaysay si Jose para itama ang laman ng kanyang birth certificate. Nakasaad sa salaysay na ang ama niya ay si Miguel at hindi si Juan.
Nang mamatay si Juan, naghabol pa rin ng mana si Jose mula sa naiwan nitong asawa at mga anak. Ayon sa kanya, kinilala siya bilang lehitimong anak dahil sa pinirmahang sulat ni Juan na may nakalagay na “Su Padre”, sa mga report card sa eskuwelahan at kasami-yento ng kasal. May karapatan ba si Jose na magmana?
WALA. Una sa lahat, kahit nakasaad pa sa sulat ni Juan na “Su Padre” ay hindi ito sapat at tuwirang pagkilala na anak niya si Jose. Isa lang itong indikasyon ng pagkagiliw. Tayong mga Pilipino ay kilala sa pagiging malapit sa ating mga kamag-anak. Magiliw din tayong mga Pilipino sa mga bata kaya madalas ay sinusuportahan natin ang anak ng ating mga kaanak lalo at hindi sila kayang pag-aralin ng sariling magulang. Ito ang nangyari sa magkapatid na Juan at Miguel.
Pangalawa, ang mga rekord ng eskuwelahan at ang kasamiyento ng kasal ay hindi sapat na ebidensiya bilang patunay ng pagkilala ni Juan na anak niya si Jose. Ang eskuwelahan lang at ang simbahan ang naghanda ng mga dokumentong ito at hindi si Juan. Hindi sapat ang pagpirma ni Juan sa ispasyong nakalaan sa magulang o guardian para sabihin na kinikilala niyang anak si Jose dahil puwede rin na pumipirma siya bilang guardian lang ng bata at hindi bilang pagkilala ng pagiging ama niya rito tulad ng hinihingi ng batas (Banas vs. Banas, 134 SCRA 260).