EDITORYAL - Isailalim sa training ang mga bus driver
SUNUD-SUNOD ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus. Noong Lunes, dalawang bus ang nagkagitgitan sa Cubao, EDSA at naipit ang isang lalaking pasahero na ikinamatay nito. Ilang oras ang nakaraan, dalawang bus uli na nag-aagawan sa pasahero sa Commonwealth Avenue ang nabangga ang isang nagmomotorsiklo. Tumilapon ang nagmomotorsiklo na ikinamatay nito.
Isang pampasaherong bus pa rin na biyaheng Batangas ang na-figure sa isang aksidente nang araw na iyon. Bumabagtas sa Skyway sa Parañaque City ang JAC Liner nang magpagiwang-giwang ito makaraang mag-overtake sa isang kotse. Nakunan ng CCTV ang paekis-ekis na pagtakbo ng JAC Liner hanggang sa sagasaan sa kanan ang mga railings ng Skyway. Kinabig sa kaliwa at sumampa naman sa partition ng kabilang lane at tumigil lamang makaraang biglang kabigin sa kanan na naging dahilan para matumba ang bus. Walang namatay pero halos lahat ng mga pasahero ay nasugatan.
Madulas ang kalsada nang umagang iyon dahil umuulan pero hindi iyon pinansin ng driver na nagpatuloy sa mabilis na pagpapatakbo. Walang anuman kung mag-overtake na para bang ginagawang laruan lamang ang mga sasakyang kasabay na tumatakbo. Hanggang sa mawalan ng control at nadisgrasya ang mga kawawang pasahero. Sinampahan na ng kaso ang drayber na halatang kulang na kulang sa kaalaman sa pagmamaneho ng bus.
Hindi lamang ang drayber ang dapat patawan ng parusa kundi pati na rin ang kompanya na nag-hire sa kanya. Suspendihin ang bus company para mabigyan ng leksiyon. Kung hindi sila nag-hire ng ganitong klaseng drayber, walang mangyayaring aksidente. Hindi dapat hinahayaang magmaneho ang mga kulang sa training.
Nararapat din namang maghigpit ang Land Transportation Office (LTO) sa pagbibigay ng lisensiya sa mga bus driver. Idaan sa matinding test bago sila bigyan ng lisensiya. Magkaroon din naman nang matinding drug test sa mga drayber.
- Latest
- Trending