^

PSN Opinyon

'Kay tigas ni Pulo'

- Tony Calvento -

NAG-AKYAT ng bagong lalake si misis. Nagmistulang beer house ang kanilang bahay. Pati mga anak na menor de edad natutong makitoma. Ang kanyang panganay nag-debut habang ilang buwan nang buntis.

Ganito ang naging sitwasyon ng isang tahanan sa San Miguel, Manila mula nang magpumunta sa Dammam, Saudi Arabia ang kanilang padre de pamilya. Sila ang pamilya Lumabi.

Nagsadya sa aming tanggapan si Carmencita “Cita” Lumabi, 58 taong gulang. Hiling niya mapauwi ang anak na isang TNT bago pa tuluyang mawasak ang kanilang pamilya.

Ang anak na tinukoy si Christopher “Pulo” Lumabi, 39 anyos, pintor.

Taong 2007 nang magpasya si Pulo na magtrabaho sa ibang bansa. Magkokolehiyo na ang panganay niya nun. Hayskul naman ang dalawa kaya’t hindi na siya nagdalawang isip na maging Overseas Filipino Worker (OFW).

Ang asawa ni Pulo na si “Editha” ay naglalabada sa nagngangalang Tiya Nelly na may pamangking nagtatrabaho sa isang recruitment agency. Ang Al Awael International Manpower Inc. ng Malate, Manila. Ito ang nagtulong kay Pulo na agad na makaalis.

Sa loob lang ng dalawang buwan naayos ni Pulo ang kanyang mga papeles at nakapunta sa Dammam, Saudi Arabia bilang isa ding pintor.

Kikita siya dun ng halagang Php15,000 hanggang Php18,000. Maganda nung simula ang trato ng kanyang employer na si Ali bin Sultan Quatani. Nakapagpadala daw ito agad ng limang libo sa loob lang ng isang linggo. Ilang buwan makalipas, nag-iba na ang tono ng salita ni Pulo.

“Mama, naiinis na ko dito sa amo ko. Dose mil na lang ang sahod ko. Ayoko na dito aalis na ako dito,” kwento umano ni Pulo sa ina.

Nagtiiis ng ilang buwan si Pulo subalit nilayasan niya rin ang kanyang amo kasama ang lima pang mga Pinoy workers dun.

Kung anu-anong trabaho na ang pinasok ni Pulo sa Saudi ma­ging ang pagiging isang receptionist sa isang kumpanya pinatos na daw niya.

Isang taon ding nagtrabaho dun si Pulo subalit nang malamang paso na ang kanyang working visa sibak siya agad.

“Anak umuwi ka na sa Pilipinas!” palaging banggit ng ina kay Pulo.

Hindi malaman ni Pulo ang gagawin kailangan niya kasing mag­handa ng halagang Php40,000 para ayusin ang mga papeles at makauwi ng bansa.

Kapit patalim siya. Hindi siya bumalik sa Pilipinas. Naging TNT siya. Nagtrabaho siyang pintor sa isang Pinoy na nagngangalang Melencio Suba.

Maliit man ang kita, kahit papaano kada linggo nagpapadala si Pulo sa pamilya. Ang hindi alam ni Pulo lahat ng kanyang pagtitiis sa wala napupunta.

Isang araw kinausap na lang si Cita ng isang kapitbahay.

“Cita… yang manugang mo. Nahuli ko sa banyo kahalikan si Arnel!” sumbong umano nito.

 Ayaw maniwala ni Cita subalit siya daw mismo nakitang lumabas sa motel ang manugang kasama si Arnel Baitec, isang drayber.    

Pinarating ito ni Cita sa anak subalit hindi naman magawang palayasin ni Pulo ang misis. Mas inisip niya ang kapakanan ng kanyang mga anak.

“Paano ang mga bata mama? Walang mag-aasikaso,”wika ni Pulo.

Ang hindi alam ni Pulo, maging mga anak niya nagdadala na din ng barkada sa bahay. Lahat ng ito sinisi ni Cita sa kanyang manugang na isang masamang impluwensya. Pati tuloy panganay niya sa edad na 17 anyos nabuntis na.

Mas lumala ang panlalalake ni Editha. Maging ang perang pinapadala nito binubulsa daw at dinadala kay Arnel.

Pilit pinauuwi ni Cita si Pulo. Matigas ang ulo ng anak. Paliwanag niya wala siyang sapat na pera pauwi. Pagdating sa Pinas wala din siyang trabaho. Gutom ang naghihintay.

Ika-12 ng Enero 2012, nakatanggap ng tawag si Cita mula kay Melencio. Nahuli daw sa check point ang kanyang anak at dinala sa 91 Jawasal Deportation.

Kasama niya dito ang labing isa pang Pinoys na mga TNT rin. Nangako naman si Melencio na gagawan na makalabas ng kulungan si Pulo.

Nagtext rin si Pulo sa kanyang ina. Nakalagay sa text ang pangalan ng mga kasama sa kulungan na sina Arlen Cantuba, Eduardo Tomes, Romeo Santiago, Fenando Alvarado, Ener Tiongson, Michael Sotto, Germanito Batacabe, Jeffrey Alqueza, Deodito Ompoc, Venerando Saquido at Jun Rey Vallespin.

Kwento ni Pulo sa ina, nagkakahawaan na sila ng sakit dun. Ang isa ding kasama nila na si Jerry Diola, sa loob na umano namatay sa kulungan matapos magkasakit.

“Nag-alala ako sa kundisyon ng anak ko dun. Pinupuslit lang niya ang cell phone na ginagamit niya pangtawag sa amin. Paano sila makakabalik ng bansa?” pangamba ni Cita.

Gustong malaman ni Cita ang legal na hakbang para mapauwi si Pulo kaya nagsadya siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Cita.

Bilang tulong, agad kaming nakipag-ugnayan kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Aming pinadala ang mga detalye tungkol kay Pulo nang sa ganun ito’y maparating sa ating embahada sa Dammam.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maari ng i-‘deport’ si Pulo pabalik ng Pilipinas. Ang katotohanan siya’y nakakulong ngayon. Naghihintay na lamang na makakuha ito ng pambayad sa kanyang ‘plane ticket’ pabalik. Ang problema sinong gagastos?

Maliwanag sa pakikipanayam nitong ina na si Cita sa aming ‘staff’ na si Monique Cristobal na inamin niya na naging matigas ang ulo ng kanyang anak. Nang kailangan na siyang bumalik sa Pilipinas dahil mapapaso na ang kanyang ‘working permit’, pinili niya na makipagsapalaran, maiwan at tumanggap pa ng ibang trabaho sa pag-asa na ang kanyang bagong ‘employer’ ay makakuha ng working permit para sa kanya para maging ligal ang kanyang patuloy na pananatili sa bansang Dammam. 

Daang libo ang mga OFW’s natin sa iba’t ibang parte ng mundo. Dapat din naman na matuto silang sumunod sa batas at proseso. Kapag tapos na ang kanilang kontrata dapat na silang bumalik dahil kung gobyerno ang magbabayad ng kanilang ‘ticket’ pabalik, tayong mga ‘tax payers’ ang magpapasan ng mga ito. Ngayong sila din naman at kanilang mga pamilya ang nakinabang.

Matapos sabihin ang lahat ng ito, hindi rin naman namin ihihinto na tulungan itong si Pulo na magawan ng DFA na siya’y makakuha ng ticket para makauwi na at makapiling ang kanyang pamilya.

Kung hindi lang matigas ang ulo nitong si Pulo hindi sana siya nasuot sa ganitong problema. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038.5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig Lunes-Biyernes.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

ANAK

CITA

DAMMAM

ISANG

KANYANG

NIYA

PULO

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with