Editoryal - Kung walang kasalanan bakit ititigil ang trial
NOONG hindi pa nagsisimula ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, sinabi niya na handa siyang magpaimbestiga dahil wala naman siyang itinatago. Hindi umano siya natatakot dahil wala siyang kasalanan. Pero ngayong nasa ika-11 araw na ang impeachment trial, mismong si Corona na ang humiling sa Supreme Court na itigil ang paglilitis. Nakapagtataka ang kahilingang ito sapagkat noong una pa si Corona ang nagsabi na sasabihin niya ang lahat para mapatunayang siya ay inosente sa inaakusa.
Naghain ng tatlong pleadings sa Supreme Court ang kampo ni Corona para itigil ang trial at ganundin ang pagsusumite ng bank records. Unang kahilingan ay ang pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) ang SC para itigil ang trial; ikalawa ay ang motion for inhibition laban kina Justices Jose Antonio Carpio at Lourdes Sereno dahil sa lantaran umanong pagbatikos ng dalawa kay Corona. Si Carpio umano ang napipisil na ipapalit kay Corona sakaling maalis ito sa puwesto; at ikatlo, ay ang motion for special raffle para sa kanilang inihaing pleadings.
Ang paghingi ng TRO ng kampo ni Corona ay hiniling makaraang ilantad ng isang bank manager na may mahigit P20 million na nakadeposito sa kanilang banko ang Chief Justice. Mayroon din umanong dollar account si Corona pero hindi niya ito maaaring ihayag dahil lalabagin ang Republic Act 6426 o ang Foreign Currency Deposit Act.
Ngayon pa ba ititigil ang trial na mayroon nang mga nahahalukay? Kung walang kasalanan si Corona at lantaran naman niya itong sinabi noon, dapat ipagpatuloy at bilisan ang paglilitis para malinis na ang kanyang pangalan. Siya na ang magkusang ilantad ang lahat dahil sabi nga niya ay wala naman siyang itinatago. Kapag napatunayan niyang mali ang pinaparatang sa kanya, malaking tagumpay ito sa Supreme Court. Lalantad ang katotohanan at mawawala ang lambong ng pagdududa sa kanya.
- Latest
- Trending