Sampalin ang mga mukha nila!
TAMA lang ang ginawang pagbabago ni President Aquino sa kanyang talumpati sa ika-110 anibersaryo ng Bureau of Customs noong Lunes. Gusto niyang ilabas ang pagkadismaya sa mga naririnig niyang mga kuwento mula sa maruming ahensiyang ito. Tila sampal daw sa kanyang mukha! Una na rito ay ang kaso ni Paulino Elevado, yung mayabang na nanghabol, gumulpi at namaril ng dalawang estudyante habang nakasakay sa Porche! Ayon kay P-Noy, ang mga ganitong klaseng tao, akala sila’y mas nakakalamang sa marami, kaya ganyan umasta, kumilos at mag-isip.
Sapol na sapol ang mga salita ni P-Noy. Panahon na para ilarawan ang mga ganitong klaseng tao sa gobyerno. Mga wala namang mga modo, mababa ang pag-iisip o kaya’y mahihina naman ang ulo, na ang akala ay pera lamang ang pinaka-mahalaga sa buhay, at kapag nagkaroon na sila dahil na rin sa kanilang maruruming paraan para makamit ito, sila na ang mga hari ng mundo. Ganyan ang mga Paulino Elevado ng bansa, ng mundo! Sinibak na siya. Sana lahat na sila!
Marami pang mga tiwali sa Bureau of Customs. Mga kwento na magpapakulo ng dugo dahil para sa kanila, napakadaling kumita ng pera at maging mayaman. Indikasyon na ang talumpati ni P-Noy na dumating na ang panahon kung saan ang mga mukha na nila ang sinasampal! Magbabayad ako para makitang may sinasampal sina Commissioner Biazon at Deputy Commissioner Lim ng mga taga-Customs na kilalang tiwali at mayabang! Pero dahil hindi naman magagawa, sana sibakin na lahat! Kumita na ang mga iyan. Tapos na ang panahon nila. Oras na para sila’y magtrabaho na ng totoo at hindi dinadaan sa pakiusap, pagbulag-bulagan at lantaran na paghingi na lang! Oras na sila’y maghirap para sa kita nila!
May mga iba pang binanggit na kwento si P-Noy. Kung kilala na ang kanyang mga tinutukoy, sibakin o hulihin na rin! Yung mga nagpahirap sa post office, yung nagyayabang na smuggler ng asukal. Sana lahat ng kilalang tiwali ay aksyunan na. Huwag nang maghintay ng sitwasyon kung saan ang media pa ang maglalantad ng tunay na pagkatao ng mga ito, katulad ng nangyari kay Paulino Elevado. Yan lang ang paraan para tunay na maging tuwid na ang daan ng Customs. Tanggalin na ang mga kriminal, kahit sino pa ang mga padrino nila! Ganun ba kalakas ang mga iyan na pati si P-Noy ay kayang banggain?
- Latest
- Trending