Abolish impeachment?
TUTOL pala si Sen. Edgardo Angara sa sistemang impeachment upang itiwalag ang mga opisyal ng gobyerno na ipinapalagay na tiwali at hindi puwedeng pagkatiwalaan.
Aniya, ito raw ay isang sinaunang sistema (medieval tool) na hindi na ginagamit sa ibang bansa. Ganyan pala ang ating pagkamakaluma. Kung kailan ibinasura na ng ibang bansa ay saka pa lang natin ginagamit.
Pero teka, hindi ba ginamit ito ng United States laban kay dating Presidente Bill Clinton nang ito ay masangkot sa isang sex scandal? Hindi nga lang nagtagumpay sa pagpapatalsik kay Clinton.
Ginamit na rin natin ito laban kay dating Presidente Joseph Estrada na tumalsik sa puwersa ng people power at hindi sa desisyon ng Senado na naging impeachment court.
Ngayon, nililitis ng impeachment court ng Senado si Chief Justice Renato Corona na nagdudulot ng kaguluhan sa pamahalaan dahil tila nangangapa ang prosekusyon sa isinasagawang pag-uusig. Mga Senate-judges mismo ang pumupuna sa kanilang palsong diskarte na naghaharap ng mga ebidensya na hindi akma sa mga artikulo ng impeachment na nauna nilang iniharap.
Pero sa isang banda, sa papaanong paraan maaalis ang isang di na pinagkakatiwalaang opisyal ng gobyerno kung walang impeachment? Ang sabi ni Sen. Angara, kailangang humanap ng ibang sistema kaugnay nito. Wala yata akong makitang ibang solusyon kaugnay nito kundi yung madugong paraan gaya ng kudeta o asasi-nasyon. Pero mas barbaro yata ang ganyang sistema. Kung kudeta naman, lalu pa’t Presidente ng bansa ang nasasangkot, pihong madidiskarel ang demokrasya.
Ang problema ngayon ay hepe ng Korte Suprema ang nasasangkot. Kung manalo si Corona, ang posi-bleng scenario ay mahahadlangan ang mga programa ng administrasyon lalu pa’t kinuwestyon ito sa Mataas na Hukuman.
Kapag may inasuntong indibidwal o samahan ang gobyerno, magmomosyon lang sa SC at malamang katigan sila nito at mababalewala ang aksyon ng administrasyon. Sana, matapos na ang usa-ping ito na puwede nating magamit ang lumang kasabihang “All’s well that ends well.”
- Latest
- Trending