Pananagutan ng hepe
SINIBAK na si NBI Director Magtanggol Gatdula, dahil sa kanyang umano’y pagkakasangkot sa isang pagkidnap at pangingikil sa isang Haponesa noong nakaraang taon. Inaresto si Noriyo Ohara sa Pangasinan ng mga ahente ng Security and Management Division(SMD) ng NBI. Pero imbis na kasuhan si Ohara bilang iligal na dayuhan, hiningan siya ng pera para makalaya at hindi ma-deport. Umalis daw si Ohara sa Japan dahil hinahanap umano ng Yakuza. Kakasuhan si Gatdula, at ilang tauhan pa ng NBI kaugnay sa kasong ito. Nag-leave noon si Gatdula nang pumutok ang isyu na ito, para mabigyan ng malayang pagkilos ang imbestigasyon.
Kaya naman marami ang nagbigay ng dismayadong reaksyon sa sinapit ni Gatdula, maging mga kasama ko sa hanapbuhay. Hindi raw ganun ang pagkakakilala kay Gatdula. Pero dahil siya ang pinuno ng NBI, may pananagutan din siya sa kanyang mga tauhan. Mga tauhan na direktang nasa ilalim niya ang mga nasangkot sa ginawang pangingikil kay Ohara, na ayon sa kanya, ay P6-milyon na ang nabibigay. Marami pang mga personal na kagamitan ang kinuha na lang ng mga humuli kay Ohara.
Pero ayon kay DOJ secretary Leila de Lima, pag-aaralan muli ang ginawang imbistigasyon, kung tunay nga na may kinalaman si Gatdula sa krimen, gaano kalalim ang kanyang pagkakasangkot o wala. Dahil na rin sa posisyon at ranggo niya kaya gagawin ang pag-review ng imbestigasyon. Sa madaling salita, titingnan muli kung talagang sangkot siya sa krimen, o nadamay lamang dahil mga tauhan sa ilalim niya ang nadawit. Bibigyan muli ng pagkakataon. Mahirap nga naman talaga kung mga tauhan mo ang nasasangkot sa isang krimen. Pero obligasyon din ng isang pinuno na alam ang pinaggagawa ng kanyang tauhan. Hindi puwedeng maghugas-kamay na lang at sabihing wala siyang kinalaman dahil siya ang hepe. Parang mga nasisibak na warden ng mga kulungan. Kapag may pinatakas ang kanyang tauhan na bilanggo, may pananagutan din ang warden. Ganun ang sinapit ni Diokno ng New Bilibid Prisons, nung mahuli si dating Batangas governor Tony Leviste na nakakalabas pala ng NBP! At sa ilalim ng administrasyon ni President Aquino, hindi puwede ang dahilan na “hindi ko alam”. Kailangan alam ng mga hepe, ang lahat ng nagaganap sa kanyang tanggapan. Para nga mas mabantayan kung may nangyayari na ngang iregularidad.
- Latest
- Trending