SA ano mang kaso sa mga regular na Korte, hindi na pinag-uusapan sa publiko ang merito ng asunto habang nililitis. Ito ay sa prinsipyo ng sub-judice. Kasi ang pagkakaroon ng public opinion hinggil sa ano mang kaso ay posibleng makaapekto sa hatol ng hukom.
Kaya sa ngayon ay tinatagubilinan na ang mga pro-secutors sa impeachment trial laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona na tumigil na sa pagtalakay sa merito ng kaso.
Pero tila mahirap iwasan. Heto nga’t usap-usapan ang inilantad na ebidensya ng prosecutor tungkol sa P14.5 milyon condominium unit na binili umano ni Corona at ng kanyang asawa sa Bonifacio Global City. Ang siste, isiniwalat na ito gayung inamin ng mga prosecutors na hindi sila segurado kung naideklara ni Corona ito sa statement of assets and liabilities and new worth.
Ang kaibhan ng impeachment sa mga ordinaryong kaso ay isang political exercise ito na ibinabase sa pulso ng tao at sa dami ng mga kagalit ng impeachable official sa Kongreso. May aktuwal mang kasalanan ang nililitis o wala, basta’t pinaniniwalaan ng tao na ito’y nagkasala at sinakyan naman ng mga taga-usig at hukom na mga mambabatas, tiyak na tatalsik ang isang impeached official.
Tingnan ninyo ang nangyari kay dating Presidente Erap noon. Hindi pa man nagsimula ang trial dahil nag-walk-out ang mga prosecutors ay tumalsik na.
Sa ganang akin, political exercise man ito ay huwag na munang pag-usapan nang malaliman ang isyu habang nasa Senado na. First time pa lang sa kasaysayan ng Pilipinas magkakaroon ng ganitong impeachment trial kaya marahil excited ang marami, lalu na yung mga kasangkot na mambabatas kaya pinananatiling nagbabaga ang isyu.
Para ngang natakpan na ang usapin tungkol kay Pampanga Rep. Gloria Arroyo dahil nangingibabaw ngayon si Corona.
Kapag ang trial ay sinimulan pang i-cover ng live sa radyo at telebisyon, tiyak na uusok na naman ang bibig ng mga ordinaryong mamamayan sa paghahayag ng sari-ling haka-haka. Nakakalikha tuloy ito ng impresyon na wala nang inatupag ang gobyerno kundi ang usaping ito at napapabayaan ang mga bagay na dapat bigyang prayoridad.