'Pulis(h) heart'
“WALA kang bf? Paano yan sinong inspirasyon mo?” tanong ng pulis.
Ganito nagparinig ang isang pulis ng Imus, Cavite sa babaeng kanyang pino-‘prospect’. Ang babae ay si Erlinda Vertudez o “Linda”, 42 taong gulang. Dalawang dekada ng hiwalay sa kanyang asawa. Ang pulis naman ay si SPO2 Richard “Chard” Bang-git, 33 anyos.
Pinagtabuyan, tinarayan… nireto sa iba. Ganito daw iniwasan ni Linda si Chard. Ang noo’y masugid niyang manliligaw.
Anong iwas man ni babae itong pulis na matinik si Linda nasungkit pa din.
Si Linda ay may tatlong anak sa unang kinasama na si Rizaldy Estrada. Limang buwan pa lang ang kanilang bunso iniwan na ni Linda ang asawa maliban sa pagiging lasenggo umano nito… mama’s boy din daw.
Napunta kay Linda ang panganay na anak habang ang dalawa naman kinuha ni Rizaldy. Para makalimot at mabigyan ng magandang buhay ang kaisa-isang anak na naiwan sa kanya nag-abroad si Linda. Sa Brunei siya nagtrabaho bilang factory worker sa loob ng limang taon.
Pag-uwi sa Pilipinas sa mga garments factory sa Cavite naman siya pumasok. Hanggang sa ngayon ‘line leader’ na siya.
Sa loob ng mahabang taon ni hindi daw naisip ni Linda na pumasok sa panibagong relasyon. Nag-iba ang lahat ng makilala niya si Chard.
Taong 2008, binyag ng kanyang pamangkin. Pinakilala sa kanya ng bayaw na si Jeff Anas ang kaibigang pulis.
Kayumanggi, matangkad, maganda ang tindig…gwapo. Ganito unang inilarawan sa amin ni Linda ang pulis.
Nagpalitan ng number ang dalawa. Simula nun panay text na daw itong si SPO2 kay Linda. “May bf ka na ba?” tanong nito.
Sinabi ni Linda na wala siyang boyfriend. Nagulat siya sa reply ng pulis, “Paano yan? Sinong inspirasyon mo?”.
Dun pa lang naramdaman na ni Linda na interesado sa kanya si Chard. Kaya pinrangka niya daw ito at sinabing,“Hindi ko kailangan ng inspirasyon!”
Makulit itong si Chard. Panay aya niya kay Linda na lumabas. Pinagbigyan siya ni Linda isang hapon pagkagaling sa trabaho.
“Gusto kita…” sabi ni Chard.
Pagtataray ni Linda, “Humanap ka na lang ng iba. Wag ako yung ka-edad mo! Teka bigyan kita textmate.”
Binigay ni Linda ang number ng katrabaho na si “Ana”. Hindi naman nabigo si Linda dahil nagkaroon ng relasyon ang dalawa. Nawalan sila ng komunikasyon ni Chard.
Isang taon makalipas muling nagtext si Chard. “Kamusta ka na?”
Hiwalay na pala sila ni Ana nun. Hindi na masyadong pinansin ni Linda ang pulis subalit panay pa rin ang padala ng mga text messages.
Kapag may okasyon kina Linda imbitado itong si Chard kaya’t hindi nila maiwasang magkita. Balewala naman ang lahat kay Linda dahil maliban sa kaibigan lang daw ang tingin niya kay Chard babaero daw ito at paiba-iba ng dinadalang girlfriend sa kanilang bahay.
Taong 2010 nangulit na naman daw si Chard. Kada makikipaghiwalay siya sa kanyang girlfriend kay Linda siya tatakbo.
“Bakit hindi mo ko subukan? Malay mo mag click tayo,” sabi ni Chard.
Sa pangungulit ng pulis napapayag na rin si Linda. Naging sila. Sinusundo siya nito sa trabaho inihahatid sa bahay. Nang mapansin ng pamilya ni Linda na may namamagitan sa dalawa pilit na siyang pinaglayo.
“Iwasan mo yan! May asawa na yan alam mo ba?” sabi kay Linda.
Kinumpronta ni Linda si Chard kung totoo ito. Kinumpirma naman nito na may anak na siya at kasal subalit matagal na daw silang hiwalay ng ina ng bata.
Tinuloy ni Linda ang relasyon nila ni Chard sa kabila ng pagtutol ng kanyang pamilya. Naging seryoso at mainit ang kanilang relasyon.
Ika-3 ng Enero 2011. Galing nun ng Batanggas si Chard. Nagkita sila sa Manggahan, Cavite bitbit ang mga pasalubong.
“Halika pahinga muna tayo pagod ako,” pag-aya ni Chard.
Hindi sila nag-aksaya ng anumang oras. Diretso motel sina Linda. Nabuntis si Linda. Tinext niya si Chard, “Hindi pa ako nagkakaroon. Buntis ata ako!”
Agad pinagpa-check up ni Chard si Linda. Kumpirmadong siya’y buntis. Tinatapat si Linda ng doktor na magiging maselan ang kanyang pagbubuntis dahil 42 anyos na siya.
Tinuloy ni Linda ang pagbubuntis. Napansin niya bihira na siyang dalawin ni Chard. Dahilan nitong pulis nag i-schooling siya.
Ika-18 ng Hulyo 2011 sinugod sa East Avenue si Linda dahil high blood ito. Kritikal ang kanyang naging kundisyon. Pinatawag ng doktor si Chard at ina ni Linda na si Lourdes. Sinabing gagawin nilang lahat para mailigtas ang mag-ina. Naging normal naman ang dugo ni Linda kaya’t nakalabas sila ng ospital.
Wala pang isang linggo nakaramdam ng pananakit ng tiyan si Linda. Agad nagpatawag ng ambulansya pero hindi na umabot… lumabas na ang sanggol.
Tatlong araw makalipas bago mapatignan ang mag-ina. Maayos ang naging lagay ng bata sa loob ng dalawang buwan subalit makalipas nito nagka- pneumonia siya. Tinawagan niya si Chard dahil may sasakyan ito para itakbo ang kanilang anak sa ospital subalit nasa probinsya daw itong pulis.
Agaw buhay ang anak nila Linda. Kung hindi pa niya pilitin ang pulis na dumalaw sa ospital wala daw itong pakialam.
Sa ngayon baon sa utang si Linda dahil sa ginastos sa pagpapagamot sa kanilang anak. Hindi pa rin niya nababayaran ang ospital. Ang mas mahirap itong si Chard kinalimutan na daw sila. Kaya nagpunta siya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Linda.
Bilang tulong susulatan namin ang hepe ng Imus, PNP kung saan naka-assign itong pulis nang sa ganun ay paalalahanan siya sa anak nila ni Linda.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ginamit mo naman ang style mong pulis pati sa panliligaw. Ayon kay Linda binantayan at hindi mo siya pinakawalan hanggang makuha siya. Bakit hindi ka gumaya sa ibang pulis diyan na maginoo sa mga babae at tapat sa tungkulin. Hindi mo basta pwedeng talikuran ang anak mo dito kay Linda. Kapag patuloy kang nagtago maari ka niyang sampahan ng kasong R.A 9262 para sustentuhan mo ang iyong anak. Hindi lamang yun makikipag-ugnayan kami kay PNP Dir. Gen. Nicanor Bartolome para kasuhan ka ng “immorality and conduct unbecoming”.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari kayong magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig City Lunes-Biyernes.
* * *
Email address: [email protected].
Follow us on twitter: [email protected].
- Latest
- Trending