Majority rules, minority rights
INIMPEACH na ng mga kakampi ni P-Noy sa Mababang Kapulungan si Chief Justice Renato Corona. Ang basis? Dahil inappoint siya ni Gloria Macapagal Arroyo.
Last December 5 lamang nang hayagang pinahiya ng ating Ehekutibo ang Judicial Branch. Hindi pa man natatapos pag-usapan ang implikasyon nito sa ating sistema ng pamamahala ay heto na ang Kongreso – ang mga Kongresista ng Liberal Party na kumakaripas na rumesbak kay P-Noy.
Karaniwa’y kinatutuwa ang mabilis na pagkilos ng ating mga ahensya de gobyerno. Sa mga remedyong nilikha para makapagbigay ng agarang lunas tulad ng mga temporary restraining order (TRO), the faster, the better ‘ika nga. Subalit may ibang desisyon na imbes na arangkada ay menor ang mas kailangan. Kabilang dito ang maingat at makatwirang pagsuri kung may sapat na batayan upang maghain ng impeachment complaint laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan.
Walang ganitong ingat at katwiran sa mga kaganapan ng nakaraang linggo. Wala mang nangyaring deliberas-yon sa hakbang ng ating mga opisyal. Kagulat-gulat at kataka-taka ito lalo na mula sa mababang kapulungan. Bahagi kasi ng kanilang job description ang pag-usapan lahat ng panukala sa plenaryo nang masigurong ang aksyon ay opisyal at naisasapubliko.
Sa ikinilos ng Kongreso, ipinakita lamang ng LIBERAL PARTY (gaya din ng mayoryang LAKAS ni GMA) na kapag may bilang, may kapangyarihan. Ito nga ang diwa ng demokrasya – ang kagustuhan ng marami ang siyang mananaig. Subalit huwag kalimutan ang katambal na prinsipyo ng majority rules. Ito ay ang minority rights, ang proteksyon na binibigay sa karapatan ng minorya. Kapag hindi ito nirespeto, wala nang kokontra sa namumuno. Oras na ito’y natanggal, ang demokrasya ang unang biktima dahil kapag walang oposisyon, sa diktadurya babagsak ang lipunan.
Malakas ang loob ng ehe kutibo at lehislatibo dahil aprobado ng mayorya ang kanilang kinikilos. Sa ganitong sitwasyon, mahalaga ang isang independiyenteng hudikatura upang siguruhin na ang mga karapatan ng minorya ay hindi nasasagasaan ng malakas at abusadong mayorya.
Ito sana’y isaalang-alang ng ating mga opisyal sa pag-atake kay Chief Justice Corona at sa kanyang pinangungunahang institusyon.
- Latest
- Trending