EDITORYAL - Bantay-salakay
MARAMI nang pangyayari na ang mga preso ay nakakatakas dahil pinatakas ng guard kapalit ng pera. Karamihan sa mga nakakatakas ay mga mayayaman na nahulihan ng illegal drugs. Malaking pera ang inilalatag ng mga preso para matakasan ang batas. Hindi lamang sa mga city jail may nakakatakas kundi maski sa Camp Crame. Ilang taon na ang nakararaan, dalawang drug traffickers ang nakatakas sa Crame makaraang lagariin ang bakal sa kanilang selda. Nakapagtataka kung paano naipasok ang lagaring bakal sa selda at kung paano nagkaroon ng hagdan para makaakyat sa pader. Hanggang ngayon ay wala nang balita sa dalawang Chinese drug traffickers. Tiyak na kasabwat ang guwardiya kaya nakatakas ang dalawang preso.
Ilan pang mga pagtakas ang nangyari sa Crame at pawang kahina-hinala ang pagtakas. Nakatakas din noon sa Crame ang teroristang si Fathour Roman Al-Ghozi at dalawang iba pa. Napatay naman si Al-Ghozi makaraan ang ilang buwan mula nang makatakas. Hindi na naungkat kung paano nakatakas sa guwardiyadong Crame ang terorista. Maaa-ring pera-pera rin ang dahilan kaya sila nakatakas.
Kaya karaniwan na lamang ang pagtakas ng mga bilanggo. Kung mayaman ang bilanggo lalo pa kung dayuhan malaki ang tsansa na matakasan ang batas. Tatapalan lamang nang malaking pera ang guard at ayos na ang “butu-buto”.
Katulad nang nangyaring pagtakas ng tatlong Chinese sa Parañaque City jail noong Sabado. Ang tatlong Chinese ay nakakulong dahil sa illegal drugs. Linggo ng umaga, natuklasan na wala na sa kanilang selda ang tatlong Chinese. At hindi na rin makita si Jail Officer 1 Richard Sillatoc. Si Sillatoc ang nagpatakas umano sa tatlong Chinese, base sa kuha ng CCTV camera. Bago ang pagpapatakas, pinakain umano ni Sillatoc ng bulalo ang dalawang jailguard na naka-duty. Nahilo at nagsuka ang dalawang guard. Sinamantala ni Sillatoc ang pagkakataon at pinatakas ang tatlong Chinese. Hindi na rin nakita si Sillatoc at ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad.
Maraming bantay-salakay. Nakakatakot na pawang may mga kasong illegal drugs ang mga nakakatakas. Ito ang isa sa dahilan kaya patuloy ang paglubha ng drug problem sa bansa. Mag-ingat ang BJMP at iba pang ahensiya sa pagtatalaga ng guwardiya. Baka bantay-salakay ang makuha nila.
- Latest
- Trending