Tandaan: Gutom, kahirapan lumalala
DALAWANG surveys ang nagpapasaya ngayon sa gobyerno. Una ang Business Expectation Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Tumaas sa 38.7% ng 1,617 kumpanya ang nagsabing mas sumisigla ang kalakal ngayong 4th quarter ng 2011, mula 34.1% sa 3rd quarter. Pangalawang sunod na quarter na ito ng pagtaas ng tiwala sa negosyo, mula sa dalawang sunod na quarters ng pagbaba. Anang BSP, ang sigla ng kalakal ay dala ng paggasta sa Kapas-kuhan, dagsa ng remittances ng overseas workers, at masaganang ani sa walang bagyong 4th quarter.
Ikalawang survey ang Ulat ng Bayan ng Pulse Asia. Galak ang 72% ng mamamayan sa performance ni President Noynoy Aquino, at 74% ay nagtitiwala sa kanya. Halos pareho ang resulta ng polls nitong Nobyembre sa isinagawa nu’ng Agosto. Pinaka-maraming galak at nagtitiwala sa Kabisayaan, at sa hanay ng maralita. Pinaka-galak ang mamamayan sa pantay-pantay na pagpapatupad ng administrasyong Aquino sa batas, 53%,; paglaban sa kriminalidad, 53%; at pagtugon sa kadukhaan, 56%.
Huwag sana mamalikmata si P-Noy at ang Gabinete sa dalawang surveys. Pakatandaan nila na nito lang 3rd quarter, dumami ang mga pamilyang nagsabi sa Social Weather Stations na sila’y naghihirap at nagugutom. Nu’ng Setyembre 52% o 10.4 milyon pamilya ang nagsabing mahirap sila, malaking lundag mula sa 49% o 9.8 milyon kabahayan nu’ng Hunyo. Nu’n ding Setyembre 41% o 8.2 milyon pamilya ang nagsabing nagugutom sila, lundag muli mula sa 36% o 7.2 milyon kabahayan. Pinakamaraming dumaming naghihirap sa Luzon: 53% nu’ng Setyembre, mula 38% nu’ng Hunyo. Sa Luzon din pinaka-dumami ang nagugutom: 45% na nu’ng Setyembre mula 28% lang nu’ng Hunyo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending














