Naglahong liwanag
Pag-ibig ko sa iyo’y hindi nagbabago
mutyang paralumang mahal ng puso ko;
Kung may nagawang mali sa buhay na ito
yao’y kamaliang dahil din sa iyo!
Tayo’y nagkasundong tapat sa sumpaan
kaya tayong dalwa’y kapwa nagmahalan;
Nang minsang matapat sa inyong tahanan
malayo pa ako’y dinig ang sigawan!
Kaya pala gayon – ikaw na mag-isa
dinahas ng isang kaaway sa sinta;
Nanggaling sa bukid may itak na dala
ang aking karibal tinaga ng lima!
Ngayo’y heto ako sa rehas na bakal
tanging hinihintay ang iyong pagdalaw;
Sa araw at gabi malayo ang tanaw –
subalit naglaho ang langit kong ikaw!
Kailan sinta ko ako’y dadalawin
sa pag-iisa kong kay hirap tiisin?
Nalimot mo na ba ang suyuan natin
na tanging ako lang ang ‘yong mamahalin?
Sa pag-iisa ko’y hinahanap-hanap
ang iyong pangakong ako lang ang liyag;
Pero bakit kaya naglahong liwanag
ang karilagan mong naglaho at sukat?
Ang laging dalaw ko’y ina at kapatid
ikaw na mahal ko’y hindi sumisilip;
Sa mga magulang ay aking nabatid
ikaw ay nag-abroad sa bansa’y umalis!
Sa huling pagdalaw nitong aking ina
ay lungkot na lungkot umiiyak siya;
Siya’y nagbalitang mutya’y nadisgrasya –
tumalon sa condo dahil sa amo n’ya!
Kaya ang hapis ko ay gayon na lamang
hindi na nga siya muling mamamasdan;
Ngayong wala na siya ang nais ko na lang –
kami ay magkita sa kabilang buhay!
- Latest
- Trending