Protesta ng 540 bilanggo ng Compostela Valley jail patuloy!
AYAW paawat ng may 540 na bilanggo ng Compostela Valley provincial rehabilitation center sa kanilang hunger strike at araw-araw na noise barrage upang pakinggan ng mga kinauukulan ang kanilang mga hinaing.
Hanggang ngayon ang Compostela Valley provincial jail facility ay nasa Tagum City sa Davao del Norte. Hindi pa rin nailipat ang mga bilanggo nito may ilang taon na rin ang nakaraan.
Maliban sa problema sa kawalan ng jail facility sa Compostela Valley mismo, mas malaking problema nga ang katotohanan na hanggang ngayon may isang korte lang ang nagsisilbi sa pangangailangan na legal sa nasabing lalawigan.
Ang nag-iisang regional trial court sa Compostela Valley ay may backlog na higit 3,000 cases na naging sanhi ng reklamo ng mga nagproprotestang bilanggo.
Ilang ulit nang hinihingi kahit dalawang karagdagang RTC sa Compostela Valley upang mapadali ang pagresolba ng mga kaso. Ngunit wala pa ring aksyon ang Kataas-taasang mga opisyales sa judicial department.
Isa sa demand ng protesting inmates sa Compostela Valley provincial jail ay ang mapabilis ang paglilitis ng kanilang mga kaso upang malaman na talaga kung sila ay lalaya o manatiling nakakulong.
Hinihingi rin ng mga bilanggo ang pagkakaroon ng mas maayos na prison services dahil nga sa siksikan na rin sila sa kanilang mga piitan at hindi pa sila napapakain ng maayos dahil nga sa kakulangan sa budget para sa inmates.
Patuloy ang hunger strike at noise barrage ng mga bilanggo hanggang matugunan ang kanilang hinaing na maayos na serbisyong medical para sa mga matatanda at may sakit na mga kasamahan nila sa piitan.
Karagdagang demands ng mga bilanggo ng Compostela Valley provincial jail ay ang pagpalaya sa lahat ng political prisoners sa bansa at hustisya para sa mga biktima ng counter-insurgency operation ng pamahalaan.
Napapanahon na dapat bigyang pansin ng pamahalaan ang kalagayan ng ating mga bilanggo hindi lamang sa Compostela Valley provincial jail ngunit maging sa kung saang piitan sa Pilipinas.
Ayaw natin nang mas malaking problema—kaya dapat ngayon pa lang huwag na nating paramihin pa ang mga bilanggong nag-hunger strike o nag-iingay sa walang katapusang noise barrage.
- Latest
- Trending