'Binistay ng bala'
Kagigising pa lamang niya. Nagsisimula pa lang ang umaga. Umupo si Flor sa lamesa para mag-almusal. Nang nadinig niya sa radyo ang balita tungkol sa engkwentro ng mga pulis at nang pinaghihinalaang holdaper. Nalaglag ang tasa ng kape na kanyang iniinom nang mabanggit ang pangalan ng kanyang boyfriend na si “Sonny Boy” na napatay sa isang sagupaan. Pinakinggan niya ang kumpletong detalye.
Ang buong mundo niya ay tumigil. Wala na siyang nadidinig pa kung hindi ang lakas ng kanyang iyak. Tumakbo siya papalabas ng bahay na nakayapak. Hindi alam ang gagawin… hindi alam kung saan pupunta… parang isang baliw.
Nagsadya sa aming tanggapan si Rosaura Batis, 48 taong gulang ng Carigara Leyte. Inilalapit niya ang pagkamatay ng 19 anyos niyang anak na si Sonny Boy Batis.
Sinalvage daw ito at natagpuan ang bangkay sa Binangonan Rizal.
Si Sonny ay umalis ng probinsya upang magtrabaho sa Maynila. Gusto niyang makatulong sa kanyang mga magulang.
Ika- 27 ng Setyembre, tumawag daw si Sonny kay Rosaura at sinabing uuwi ito sa katapusan ng buwan sa probinsiya upang magbakasyon.
Dumating ang huling araw ng Setyembre, walang lumitaw na Sonny. Yun na daw ang huli nilang pag-uusap ng anak.
Ika-10 ng Oktubre, nakatanggap sila ng tawag mula sa ‘girlfriend’ ni Sonny na si Flor taga-Valenzuela. “Huwag po kayong mabibigla.. patay na po si Sonny,”
Ikinwento nito na dalawang araw hindi umuwi si Sonny. Tinawagan ngunit hindi rin niya makontak. Hinanap pero walang makapagturo. Narinig na lang nito sa isang balita sa radyo ang pangalan ng ‘boyfriend’. Nasa Binangonan Hospital daw si Sonny. Pagdating ni Flor sa ospital patay na si Sonny Boy.
Agad lumuwas si Rosaura mula sa Leyte. Dumiretso sila sa Antipolo kung saan nandun ang bangkay ng anak.
Ika-8 ng Oktubre, binaril si Sonny Boy. Ayon kay Rosaura tinadtad ng dalawampung tama ng bala ang anak.
Tinanong namin ang dahilan hindi masagot ni Rosaura. Mabait at wala daw kagalit ang anak. Nagtatrabaho daw si Sonny Boy sa pabrika ng plastik sa United Asia, 8th Avenue Kalookan City bilang ‘operator’ ng makina. Nagtitinda din daw ito ng karne sa palengke.
Hindi daw ito natuloy sa pagbabakasyon sa Leyte dahil may nag-alok na magtrabaho bilang ‘construction worker’. Malaki ang kita dahil ‘stay-in’. Gagawa daw ng simbahan.
Nasa punerarya si Sonny nang makita ng ina. “Sobrang sama ng loob ko. Hindi ko akalain na sa muli naming pagkikita bangkay ang anak ko. Sana mabigyan ng hustisya ang pagkamatay niya,” wika ni Rosaura.
Inalam namin ang tunay na nangyari kay Sonny. Gamit ang ‘internet’ nag- ‘research’ kami sa insidenteng ito. Tatlong pinaghihinalaang ‘extortionists’ ang napatay sa isang engkwentro ng Police Anti Crime Emergency Response (PACER) at Rizal Provincial Police Office (PPO).
Sinabi ni Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na nakilala ang mga suspek sa pangalang Sonny Boy Batis, Efren Bermudez at alyas Rayga.
Sa paunang imbestigasyon nangyari ang insidente alas 3:30 ng umaga sa Barangay Macamot, Binangonan.
Ayon kay S/Supt. Cesar Prieto. Director ng Rizal PPO may minamanmanan silang lugar dahil nakatanggap sila ng impormasyon na merong grupo na nangingikil (extortionist) sa isang ‘business man’ na si Reynaldo Cabrera.
May sasakyang itim na Toyota Corolla na may ‘plate number’ na ZBG 625 kung saan lulan ang mga suspek. Habang papalapit ang grupo ng pulis sa sasakyan nilagpasan nito ang ‘checkpoints’ at pinapatukan sila. Nakorner ang mga suspek at napatay sa may Barangay Macamot. Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang pistola at isang de bolang baril.
Nabigla si Rosaura. Hindi niya akalain na nasangkot pala ang anak niya sa ganitong klase ng trabaho. Sinabi ni Rosaura na walang bisyo ang anak.
Hindi pa dyan natatapos ang problema nila dahil iniipit daw ng punerarya ang bangkay ni Sonny Boy hangga't hindi sila bayad. “Mayroon bang batas na nagsasabing pwedeng i-hold ng punerarya ang bangkay? Sana naman mapaglamayan namin ng maayos ang anak ko,” wika ni Rosaura.
Nasa halagang Php35,000 ang hinihingi sa kanila.
“Wala kaming mga trabaho. Saan naman kami kukuha ng ganong kalaking halaga? Sana naman maunawaan nila kami. Magbabayad kami pero hindi pa namin kaya ang buong halaga sa ngayon,” wika ni Rosaura.
Itinampok namin ang istoryang ito sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Bilang tulong tinawagan namin ang punerarya ng Antipolo Memorial Services. Aming nakiusap ang may-ari na si Ms. Agapita Zarte. Sinabi niya na naintindihan niya ang kalagayan ng pamilyang ito. Sa katunayan nga daw hindi na niya ito sisingilin ng halagang Php1,200 kada araw para sa ‘storage fee’. Tinanong namin kung ano bang maaring gawin para mailabas ang katawan ni Sonny Boy at mapababa ang halagang Php35,000. Sinabi ni Ms. Agapita na papayag siya na halagang Php 6,000 lang muna ang ibayad. Ang mga matitirang bayarin ay kukunin na lang daw sa ‘SSS burial benefits’ nito.
Umabot lang naman daw ng halagang Php35,000 dahil ang gusto daw ng ‘girlfriend’ na si Flor ay i-‘cremate’ si Sonny Boy.
Gumawa ng paraan sina Rosaura para makalikom ng halagang Php6,000. Malayo ang probinsiya nila kaya’t ang ginagawa nila doon na sila sa punerarya naglamay. Binibisita nila si Sonny Boy sa umaga hanggang hapon. Makalipas ang halos isang buwan nilang paghihintay naayos din ang mga dokumento at nakabayad sila. Nilibing na si Sonny Boy noong ika-6 ng Nobyembre 2011.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung gustong paimbestigahan ng pamilyang Batis ang nangyaring ito kay Sonny Boy ay ire –‘request’ namin ito sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kasi kay Rosaura walang palitan ng mga putukan na naganap dahil malapitan daw binaril ang kanyang anak. Madali naman mapatunayan ito kapag tinignan ang ‘autopsy’ na isinagawa ng ‘medico legal officer’ sa bangkay ng mga holdaper. Kapag ang isang tao ay binaril ng malapitan kung saan pumasok ang bala, ang balat sa paligid nito ay may sunog (tattooing).
Kadalasan hindi ito lumulusot dahil hindi pa nakakabwelo ng mabuti ang bala dahil kalalabas pa lamang sa ‘barrel’. Maari din naman dahil hindi nagabayan nitong si Rosaura itong si Sonny Boy ay tuluyan itong nalihis ng landas. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
- Latest
- Trending