Pagnanakaw ng cell phone at iba pang gadget
NGAYONG nalalapit na naman ang Pasko ay pinanga-ngambahang lalo pang tataas ang mga insidente ng pagnanakaw ng cell phones, laptop computers at iba pang kauring mga gadget. Ito ang napagkuwentuhan namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Sa ganitong mga panahon marami sa ating mga kababayan ang nagdedesisyong gamitin ang kanilang mga bonus o kaya ay ang itinabi nilang pera sa loob ng isang taon ng pagtatrabaho upang bumili ng naturang mga gadget na ipangreregalo nila sa kanilang mga mahal sa buhay o kaya naman ay para mismo sa sarili nila.
Lubha nga lang nakaaalarma at nakalulungkot na ma rami ring masasamang elemento sa ating lipunan ang nagsasamantala naman sa ganitong mga pagkakataon at ninanakaw ang naturang mga pinaghirapang ipundar ng ating mga ordinaryong mamamayan.
Araw-araw ay may nababalitaan tayong mga insidente ng snatching ng nasabing mga gadget, o kaya ay pagnanakaw nito habang ang mga biktima ay nasa restoran, bus, dyipni, computer shop, grocery, at iba pang pampubliko o matataong lugar, o kahit nga sa loob mismo ng kanilang mga bahay. Mayroon pa ngang mga insidente kung saan ay sinasaktan o pinapatay pa ng mga magnanakaw ang biktima.
Kaugnay nito ay isinulong ni Jinggoy ang Senate Bill Number 705 na pangunahing pinaghalawan naman ng naging consolidated bill number 2972, o “Anti-Theft and Robbery of Portable Telecommunication Devices and Portable Computers Act of 2011.” Aniya, “There is an urgent need to protect our people from cell phone snatchers as well as thieves of other related gadgets such as personal digital assistants and laptop or notebook computers which are devices for information and communication.”
Alinsunod sa panukala, gagawing mas mabigat ang parusa sa mga gumagawa ng nasabing krimen.
* * *
Happy birthday kay dating Rizal Representative Gilberto “Bibit” Duavit (November 29).
- Latest
- Trending