Pang-aapi at pagtataksil
MAG-ASAWA sina George at Annie at mayroon silang tatlong anak na lalaki. Sa umpisa ay walang naging problema sa pagsasama nilang mag-asawa pero makalipas ang 10 taon, nagsimula nang magtaksil si George. Nagkaroon siya ng relasyon hindi lang sa isa kundi sa apat na babae.
Matiisin si Annie at mapagpasensiya. Kahit nagpo-protesta siya sa immoral na ginagawa ng asawa, lumalabas pa rin na tinitiis niya ang lahat para manatiling buo ang kanilang pamilya at sa pag-asang magbabago pa ang lalaki.
Magpapatuloy pa sana sa ginagawang pagtitiis si Annie kung hindi lang siya pinagmalupitan ni George. Minumura at sinasaktan na siya ni George kaya matapos ang mahigit 22 taon ng pagsasama, pinili ni Annie na umalis sa kanilang tahanan at bumukod kasama ang kanyang mga anak.
Humingi siya ng hiwalay na sustento at panggastos mula kay George pero ayaw magbigay ng lalaki. Ayon kay George, si Annie at ang kanilang mga anak na lalaki ang umalis ng kanilang tahanan, wala sana silang babayaran kung doon pa rin sila nakatira sa bahay kaya ang dapat gumastos para sa pagbukod ay si Annie mismo at ang kanilang mga anak. May karapatan bang humingi ng sustento si Annie?
MERON. Makatuwiran ang ating batas at hindi hihi-ngin ang imposible, hindi nito hahayaan na magtiis ang isang asawa sa lalaking hindi na niya kayang pakisamahan dahil sa ginagawa nitong pambababae at pambubugbog sa kanya.
Upang payagan si misis na magkaroon ng hiwalay na tirahan at magkaroon ng sustento mula sa kanyang asawa, hindi kailangan na magdala pa mismo ng kabit ang lalaki sa kanilang bahay. Sapat na sa ating batas na gumawa ang lalaki ng isang mali, immoral at hindi matitiis na kilos, sapat upang mapaalis na niya mismo ang kanyang asawa mula sa kanilang bahay. Hindi niya puwedeng gamitin ang pagla-yas ng asawa para baliktarin ang batas at payagan siya na burahin ang tungkulin niya sa kanyang pamilya (Goitia vs. Campos Rueda, 35 Phil. 252; Villanueva vs. Villanueva, G.R. L- 29959, Dec. 3, 1929).
- Latest
- Trending