Walang nanalo
TINALO ang comedy na “Praybeyt Benjamin” ng dramang “Praybeyt Citizen Gloria” nitong nakalipas na weekend. Alam na natin ang ending ng pelikula – si Gloria ay arestado at pananagutin sa mga kalokohang naganap sa ilalim ng kanyang pamumuno. Una pa lamang itong electoral sabotage na inihain sa Pasay Regional Trial Court. Tiyak nang susunod na rito ang mga katakut-takot na Ombudsman cases.
Bilang mamamayan, kabilang ako sa mga nagalak na nakarma rin si Gng. Arroyo. Subalit bilang propesor at estudyante ng batas, ako’y nababahala nang husto sa pamamaraang ginamit ng pamahalaan upang siya’y paluhurin.
Mula sa pagtanggi ni Sec. De Lima at ng Bureau of Immigration na respetuhin ang temporary restraining order (TRO) ng Mataas na Hukuman upang makalipad ang noo’y hindi pa nasasakdal na si Citizen Arroyo; hanggang sa madaliang pagsesyon ng Comelec upang madalian ding aprobahan ang minadali ring report ng DOJ-Comelec panel hanggang ito’y madaliang maihain sa Pasay RTC at dalian ding mailabas ang warrant of arrest ni GMA.
OK ang lahat ng ginawang pagtrato kay GMA. Ok kung tayo’y nasa ilalim ng diktadurya.
Matindi ang kabalastugan ng Arroyo administrasyon. Dapat lang na ito’y panagutin. Subalit hindi sa ganitong paraan. Sa pagka-atat na mabigyang katarungan ang milyun-milyong kinawawa ni GMA, mag-ingat at baka maski si GMA rin ay makawawa. Kapag ganito ang mangyari, ano pa ang pinagkaiba natin sa mga mismong taong nais nating managot?
Ang mga kalayaang sinisiguro sa atin ng Saligang Batas – ang right to travel, freedom of expression, freedom of assembly atbp. – itoy mga karapatang pantao na kinikilala sa lahat ng sibilisadong demokrasya. Ang tanging pinuno na takot sa malayang paggamit ng mga karapatang ito ay ang diktador.
Nilalasap ng kampo ni P-Noy ang kanilang ta gum-pay. Ang mga komentaris- ta’y pinag-uusapan na kung paano nanalo si De Lima laban sa Supreme Court. Pasensya na po kung hindi ako dumalo sa inyong victory party. Dahil kapag ang Saligang Batas ay sinakri-pisyo, lahat tayo talo.
- Latest
- Trending