Bilog talaga ang mundo
BILOG ang mundo. Ito marahil ang nararamdaman ngayon ni dating president Gloria Macapagal-Arroyo nang ihain sa kanya ang warrant of arrest sa St. Lukes Hospital sa Taguig noong Biyernes ng hapon. Takip-silim na nang magtungo si Senior Supt. James Bucayu sa silid ni Arroyo, kung saan tinanggap ni Atty. Jose Flaminiano ang nasabing warrant. Hindi na nga pinabasa ni Flaminiano sa pulis ang kanyang mga karapatan. Ayaw sigurong maramdaman na para na siyang isang kriminal. Kaya ngayon, tila wala na ring bisa ang nakuhang TRO ng kampo Arroyo, para makabiyahe sa iba’t ibang bansa, para raw magpatingin at magpagamot. May kaso na kasing sinampa kaya mas may bigat na ito para pigiling umalis ang dating presidente. Dahil arestado na si Arroyo, nilagyan na lang ng mga bantay ang ospital at labas ng kanyang silid, dahil pinayagan naman manatili sa ospital hanggang sa maging mas mabuti ang kalagayan. Pero ang proseso ng pag-fingerprint at pagkuha ng larawan ay gagawin pa rin, sa ospital nga lang at hindi sa istasyon ng pulis.
Kay dating president Joseph Estrada na mismo ga-ling ang salitang “karma”, para ilarawan ang nagaganap kay Arroyo ngayon. Natatandaan ninyo na sa ilalim ng administrasyong Arroyo hinuli si Estrada, na hindi naman pumalag ng hinuhuli na sa kanyang tahanan sa Greenhills, at walang binalak na umalis ng bansa. Nagpakulong sa pamamagitan ng house arrest sa kanyang rest house sa Antipolo ng ilang taon. Hinarap ang lahat ng kasong sinampa sa kanya. May mga nanalo, may mga natalo. Nahanapang may sala, pero binigyan ng pardon ni Arroyo kaya naging malaya.
Ang masasabi ko lang, isipin na lang ng mga Arroyo ang mga pinagmalupitang tao noong panahon nila. May mga kinasuhan din sila nang mabilisan, mga ordinaryo at simpleng tao pa nga. Marami silang pinagbuhatan ng kamay ng kapangyarihan noong panahon nila, mga kayabangan ni Mike Arroyo at dalawang anak sa kalsada, sa lahat. Ngayon, oras na para harapin ang musika. Oras na ng pananagutan. Makakabawi raw sila, anya ng abogadong tumaya ng kanyang itlog para sa kanyang kliyente. Sige, nasa korte na ang labanan. Iiral ang hustisya. Hustisya na maliwanag ay balak takasan, kahit ano pa ang pangako at hamon ng kanyang abogado. Hustisya na dapat ipataw sa may kasalanan.
Si Erap nasa Singapore nagbabakasyon. Si Arroyo, hindi pinaalis papuntang Singapore. Bilog talaga ang mundo.
- Latest
- Trending