Baha kahit walang ulan
KAPANSIN-PANSIN na ang madalas na pagbaha nitong mga nakaraang buwan sa malaking bahagi ng Carmen at Panabo City sa Davao del Norte kahit na hindi umuulan.
Napilitan ngang ilikas ang daan-daang tao sa mas ligtas na lugar nang biglang lumaki ang tubig sa ilang barangay sa Carmen at Panabo nitong nakaraang Huwebes.
Ganundin ang nangyari sa may Boulevard at Uyanguren area sa Davao City noong nakaraang linggo. Biglang binaha ang area na ayon sa mga residente ay nagkataon high tide daw sa mga oras na ‘yon, gayong hindi naman umulan noong araw na iyon.
Humupa naman agad ang tubig sa may Boulevard at Uyanguren pagkatapos ng may isa o dalawang oras.
Sinisisi ng local officials ng Carmen at Panabo ang parang water catchment na ginagamit ng mga malalaking banana plantations sa kanilang bayan na naging sanhi sa mga patuloy na pagbaha kahit na hindi umuulan.
Kinakailangan na ring maghanap ng mapagdaluyan ng tubig na hindi maging sanhi sa pagbaha sa nasabing mga bayan.
Ang Davao del Norte ang isa sa pinakamalaking producer ng saging sa bansa. Ang saging naman ang top export product na binebenta sa mga foreign markets gaya ng Japan, United Kingdom, Middle East at maging sa United States.
Kaya kailangan ang agarang pag-aaral kung paano maisaayos ang daloy ng tubig galing sa mga banana plantations na hindi maging sanhi ng pagbaha sa Carmen at Panabo City at maging sa kalapit na Braullio Dujali, na binabaha rin.
Ang problema ng pagbaha sa Davao City ay binibigyang pansin na rin ng pamahalaan ni Mayor Sara Duterte. Napag-utusan na ang City Engineers Office na maghanap ng solusyon sa problema ng baha sa lungsod.
Kailangan na ang agarang solusyon upang hindi maging tuluyang lubog sa tubig baha ang mga nasabing lugar.
Hindi biro ang makaranas ng pagbaha. Kailangan talaga ng aksyon at kooperasyon ng bawat isa sa atin.
- Latest
- Trending