Watchlist order nilikha ng GMA administration
PANGISI-NGISI nang lihim ngayon si Sen. Ping Lacson.
Kasi, ang tinatawag na watchlist order na humahadlang sa pangingibang-bansa ng dating Pangulong Arroyo ay si GMA rin daw ang umimbento nang Pangulo pa ito. (Habang isinusulat ko ang piyesang ito ay takda namang gumawa ng pahayag si Justice Secretary de Lima kung papayagan nang umalis o hindi si Mrs. Arroyo para magpagamot sa ibang bansa.)
Siguro’y nakalimutan na ng marami pero itong “watchlist order” na inihaharang kay CGMA ngayon ay inakda nung Presidente pa si CGMA at nasampolan nito ay si Lacson na noo’y nadidiin sa Dacer-Corbito murder case.
Pero magaling lang talaga ito’ng si Ping at nagawang makatalilis at nagtago nang matagal-tagal na panahon. Nakabalik lang siya at nakapamuhay ng normal sa pag-upo ni Presidente Noynoy. Tingnan mo nga naman ang takbo ng pangyayari, ngayo’y practicing senator na siyang muli at parang limot na ang Dacer-Corbito. Ganyan yata lagi ang takbo ng pulitika sa ating bansa. Napag-initang maigi ng Arroyo administration si Ping dahil sa mga eksposey niya laban kay dating first gentleman Mike Arroyo na tinawag niyang “Jose Pidal.”
Sabi ni Ping, hindi inaasahan ni Congresswoman Arroyo na siya mismo ang tatamaan ng inimbentong watch list order noong siya pa ang nakaupo sa Malacañang.
Hindi mismong si Mrs. Arroyo ang kumukuwestyon sa watch list order kundi ang kanyang kampo. Hinahamon ng mga abogado ng dating Pangulo ang legalidad nito sa Mataas na Hukuman. Hindi kaya nila alam na ang watchlist order na ito ay “recipe” ng Malacañang under the Arroyo watch?
Ani Ping, kung tutuusin ay si Mrs. Arroyo ang huling nilalang na may karapatang kumwestyon sa watchlist order.
Pero idinagdag ng senador na tama lamang ang ginawang pagkuwestiyon ni Arroyo sa legalidad ng watch list order.
“It is a clear case of “what goes around, comes around”,” sabi pa ni Lacson. Sa wikang Pilipino, iyan ang tinatawag na “weder-weder lang!”
- Latest
- Trending