Unahan, singitan, tulakan, sikuhan
SA pagbiyahe ng mga Pilipino sa mauunlad na bansa, mapapansin nila ang kaugalian ng mga mamamayan. Sa America, Europe at Australia otomatiko ang pagpila sa kainan, kasilyas o takilya. Kapag lumapat sa kalsada mula bangketa ang paa ng pedestrian, agad pepreno ang mga kotse. Kapag nagkasalubong sa kanto, nagbibigayan ang mga motorista. Tinutulungan ang mga bulag, lumpo at matatanda sa lansangan, pampublikong sasakyan at gusali. Ang mga amateur performers sa eskuwelahan o plaza ay masigabong pinapalakpakan at hinihimok. Gayundin ang mga bagong sibol na nakikitaan ng galing sa sining, agham, o sports.
Nabasa ko sa librong sociology na sadyang maayos, mapagbigay at matulungin ang mga mamamayan sa mauunlad na bansa. Hindi ko lang alam kung naging gan’un sila dahil sagana sa pasilidad o sa wastong pangaral.
Sa Pilipinas, pansinin ninyo, kabaliktaran. Sa kalye, gitgitan sa isa’t isa ang mga bus, kotse at motorsiklo, at lahat sila laban sa pedestrians. Meron pang nagka-counter-flow sa traffic at nagwa-wangwang para makauna. Ang mga nag-aabang ng sasakyan, rambolan sa bus at jeepney stops. Nakapila ka na sa takilya o papasok na lang sa elevator, may sisingit pa sa harap mo. Aba’y pati sa Komunyon nag-uunahan ang mga nagsisimba, animo’y walang makain sa bahay.
Sa concerts at stage play, hirap na hirap na ang performers, pero wala halos pumapalakpak para magpakita ng katuwaan. Kapag may nanalo sa contest ng talino, gilas o pagka-malikhain, naghihinala agad ang kapwa kung nadaan sa palakasan. Ang umaangat hinihilang pababa.
Gan’un ba tayo dahil sa kakulangan ng pasilidad o ng pangaral?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending