(Unang Bahagi)
“Pssst!”
ISANG sitsit ang narinig ng babae mula sa madilim na iskinita. Sinundan niya ang sitsit. Maya-maya isang putok ng baril ang umalingawngaw sa paligid.
Basag ang bungo ng babae matapos barilin sa bibig. Isang mensahe ang iniwan sa ganitong brutal na pagpatay…manahimik ang taong may alam.
Ang babae ay si Michaela Santiago, 28 taong gulang ang dapat na testigo sa pamamaril sa isang ‘tricycle driver’ sa San Antonio, Cavite.
Ang tinuturong mga suspek ay mga parak ng PNP, Cavite City.
“Tabi! Tabi kayo dyan!” pagtaboy umano ng pulis sa mga tao sa paradahan ng tricycle.
Gumilid si Michaela at sumandal sa asawa na noo’y nakasakay sa motor. Lumapit ang mga pulis sa drayber na kinilalang si Joaquim Martin o “Jokim” na noo’y nakaupo sa paradahan. Ilang saglit lang sunod-sunod na putok ng baril ang narinig.
Nagsadya sa aming tanggapan ang ina ni Jokim na si Herminia “Minia” Martin, 44 na taong gulang. Inihihingi niya ng hustisya ang pamamaril umano ng mga nasabing pulis sa anak noong ika-18 ng Marso 2011.
Butas ang sentido, kanang leeg at dalawang tama sa kanang dibdib ang tinamo ni Jokim matapos ang pamamaril. Patay siya agad.
Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Jokim. Lahat sila pamamasada ng tricycle ang hanapbuhay.
Dalawa ang tricycle ng pamilya Martin. Ang anak na panganay na si Jefferson at bunsong si Jerome ang magkarilyebo. Si Jokim at ama naman na si Nilo ang naglalabas ng isa pang tricycle.
Marso 18, 2011 ganap na 10:00 ng gabi nagtaka si Minia kung bakit hindi pa umuuwi ang anak para sabayan sila sa hapunan. Tinext niya si Jokim, “Nak umuwi na.” Reply nito,“D2 pa ko pilahan. La pa boundary. Maya na ko uwi.”
Makalipas ang ilang minuto nakatanggap sila ng tawag sa hindi rehistradong numero. Isang lalakeng sumisigaw ang nagsabing, “Kuya! Kuya! Si kuya Jokim… binaril ng mga pulis sa paradahan!”
Dumiretso sa Calumpang ang mag-iina kung saan pumipila si Jokim. Naabutan nila si PO2 Sonny Boy Monzon ng umano’y Intel, Cavite Police na noo’y naglalagay na ng lubid sa gilid ng paradahan kung saan nangyari ang insidente. Wala doon si Jokim, malinis ang paligid ni isang patak ng dugo wala umano siyang nakita. “Nasaan ang anak ko…si Jokim?” tanong ni Mania.
Sagot ni PO2 Monzon, “Sa Bautista Hospital… dun mo puntahan!”
Nadatnan ni Mania ang anak sa emergency room ng ospital habang pinalilibutan ng ilan sa mga saksi sa insidente. Maputla… wala ng buhay.
Nilapitan siya ni Michaela at bumulong, “Nay… pa-autopsy mo ang anak mo. Tululong ako! Tetestigo ako!”.
Nakahinga ng maluwag si Mania sa narinig. Bandang 11:00 ng gabi binalikan ni Mania ang paradahan. Nakita daw niya ang mga pulis Cavite City na pinupulot ang mga basyo ng balang nakakalat sa lugar.
Sa kagustuhang malaman ni Mania ang nangyaring pagpatay sa anak. Tinanong niya si Michaela.
Kinumpirma ni Michaela na mga pulis umano ng Cavite City ang tumira kay Jokim. Nakilala niya daw ang mga ito na sina PO2 Sonny Boy Monzon, PO2 Ronald Nabos, PO2 Marbert Sto Domingo, PO2 Froilan Crisostomo, PO1 Edgie Protacio, PO1 Ryjan De Guzman at isang civilian agent na nakilala lang sa pangalang Edwin. Hindi daw siya pwedeng magkamali dahil kilala niya umano ang mga pulis. Madalas daw nandun ang mga ito at nanghuhuli ng mga adik.
Sinamahan ni Michaela si Mania sa National Bureau of Investigation (NBI), Camp Crame para magsampa ng kaso. Ayon kay Mania, hindi pa nakakapagbigay ng testimonya si Michaela sa NBI ika-22 ng Marso 2011, binalikan na umano siya ng mga pulis.
Natagpuang patay ang testigo sa eskinita ng kanilang bahay. Nangyari ang pagpatay habang pauwi si Michaela galing sa burol ni Jokim.
“Hindi ko na alam ang nangyari kay Michaela basta ang nabalitaan ko na lang binaril siya sa bibig,” pahayag ni Mania.
Pinanghinaan ng loob si Mania. Naisip niya kung paano tatayo ang kaso ng walang testigo. Sa tulong naman ng isa pang testigo na si Greymar Nodado, pamangkin ni Mania. Nalaman niya ang detalye ng pagpatay.
Base sa sinumpaang salaysay na binigay ni Greymar sa tanggapan ng Cavite Police Provincial Investigation Branch nung Ika-4 ng Abril 2011 sa harap ni PO2 Artemio Navarro Cinco Jr.
“Kasama ko ang aking pinsang si Jokim na nakaupo sa bangko ng dumating ang mga pulis Cavite City na sila PO2 Sonny Boy Monzon, PO2 Ronaldo Nabos, PO2 Frolina Crisostomo, PO1 Edgie Protacio, PO1 De Guzman at isang sibilyan na si Edwin.
Lumapit sila sa amin at pinaalis kaming lahat maliban kay Jokim dahil searching daw iyon. Hindi pa kami nakakalayo may sumigaw na, “MAY BARIL! MAY BARIL!”. Kasunod nun bumunot ng baril ang sibilyan na si Edwin binaril si Jokim. Habang papalayo ako dahil sa takot ay may sunod-sunod na putok.
Nagtago po ako sa eskinita at doon habang nakasilip at nakatingin sa mga pulis umupo si PO2 Sonny Boy Monzon at PO1 Edgie Protacio sa harapan ng bangkay ni Jokim at may inilagay na baril sa kamay ni Jokim at ipinutok pataas.”
Talagang hindi nila iiwang buhay itong si Jokim dahil binaril pa nila ito sa ulo at pagkatapos nagpulasan.
Lahat ng salaysay ni Greymar ay pinabulaanan naman nila PO2 Sonny Boy Monzon at PO2 Ronaldo Nabos sa kanilang kontra salaysay.
Ayon sa kanila isang ‘report’ ang natanggap ng kanilang himpilan mula sa hindi nagpakilalang ‘caller’. Sumbong nito may isang lalakeng may dalang baril sa may pilahan ng tricycle sa Brgy. 36 Purok Caridad.
May suot na ‘ball cap’ ang lalake, naka-fatigue na pang-ibaba at kulay puti at itim ang pang-itaas. Palakad-lakad sa pilahan ng Tricycle.
Bakit pinatay si Jokim? Pinatahimik ba siya dahil may mga alam siya na maraming masasagasaan? ABANGAN sa Miyerkules. EKSKLUSIBO dito sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Biyernes.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com