Madla suspetsoso sa balakin ng Arroyos
MARAMING Pilipino ang may karamdaman sa thyroid glands. Mababatid ito marahil sa haba ng pila ng mga pasyente sa klinika ng internal medicine specialists. Isa sa mga pambihirang uri ng sakit na ito ang hypoparathyroidism na bumabalda kay dating presidente Gloria Macapagal Arroyo. Bagamat simple at mura lang ang paggamit nito — marami’t malimit na pag-inom ng calcium at phosphorus, karaniwa’y pang-habambuhay ang pagpapahirap. Ilan lang sa mga sintoma ng hypoparathy-roidism ang panunuyo ng buhok, pagkakaliskis ng balat, pagkabali ng kuko, panghihina ng buto, pananakit ng muscle at likod, at paghilab ng tiyan.
Ganunpaman nagsususpetsa ang madla sa pagpapagamot ni Arroyo sa abroad, na inanunsiyo ng asawang Mike. Ito’y dahil nahaharap si Arroyo ng limang kasong plunder at isang election sabotage, pawang walang bail. Si Mike naman ay hinahabla ng graft. Inanunsiyo pa nina Justice Sec. Leila de Lima at Comelec chairman Sixto Brillantes na malamang mag-Pasko sa piitan ang mag-asawa. Lilipad umano sa Singapore, Germany, Italy, Spain at US ang mag-asawa para takasan ang mga sakdal.
May mga hinala pa na baka maglipat lang sila ng mga deposito sa Frankfurt at San Francisco tungong Portugal. Nilantad ni Sen. Alan Peter Cayetano at Panfilo Lacson nu’ng 2008 na meron umanong secret bank accounts si Mike sa Germany at America. At hugong-hugong na bumili ang Arroyos nu’ng 2009 ng bahay sa Portugal, malapit sa paborito nilang Spain at kung saan walang extradition treaty sa Pilipinas.
Ano man ang totoo, talagang wala nang tiwala ang mamamayan sa sistema ng hustisya. Walang mayaman o malakas na nakukulong.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending