P5-milyon para sa MILF
SI President Noynoy Aquino ang tumupad sa pangako ng administrasyong Arroyo. Mukhang lumihis ang tamang landas ni P-Noy sa usaping ito. Hindi akma na pagkalooban ng P5-milyon ang kumakalaban sa pamahalaan, ang dapat dito ay proyektong makatutulong sa mga kababayan na naiipit sa Mindanao. Ewan ko lang kung makakatulong na maiangat pa sa pinakamataas na antas ang popularity rating ni P-Noy. Gusto pa nga ba siya ng mga nagugutom na Pinoy? Nahati o naguluhan ang isipan ng mga kababayan.
Halos himatayin ang ilan dahil sa pagbibigay ni P-Noy ng P5 milyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kalaban sa ngayon ng sundalo. Unti-unting nalalagas ang mga sundalo sa pananambang ng MILF. Ang masakit itinago ng Aquino administration sa madlang people ang pagbibigay ng P5 milyon sa Bangsamoro Management and Leadership Institute (BMLI). Suhol kaya ito? Kung hindi nagkaroon ng pagmasaker sa 19 na sundalo, tiyak na lusot na ito dahil ang lihim na abutan ay ginanap noong nakaraang buwan sa Japan matapos mag-usap sina President Aquino at MILF chairman Al Haj Murad Ibrahim.
Nakumpirma ito nang umamin si Presidential spokesman Edwin Lacierda matapos maipit sa interview ni Ka Mike Enriquez ng DZBB. Halos himatayin sa inis ang ilan sa mga nakikinig sa pagpaliwanag ni Lacierda kaya inulan ng komentaryo ang programa ni Mike. Bakit nga ba ibinigay ang P5 milyon kay Murad gayong kung talagang nais ni P-Noy na tumulong sa mga ito dapat na ipagawa niya ang proyekto at hindi datung ang ipinagkaloob. May duda na ang mga kababyan natin na ginagamit ng MILF ang pera sa pagbili ng mga baril at bala na ginagamit para kalabanin ang mga sundalo. Mukhang salto itong naging aksyon ni P-Noy kung pagbabasehan ang karahasan sa Mindanao ngayon.
Dapat bawiin ni P-Noy ang P5 milyon para mapawi ang inis ng ilang kababayan. Maging ang mga senador ay nahati ang pananaw sa ginawang pakikipag-usap ni P-Noy kay Murad. Maging ang mga pulis ay naging mabigat ang pananaw sa lihim na usapan. Pinagbawalan kasi silang mag-leave sa kanilang trabaho dahil kailangan nilang magbantay ngayong Undas upang mahadlangan ang banta ng terorista. Abangan!
- Latest
- Trending