UNDAS na sa Martes, panahong inaalala natin yung mga kaanak nating yumao. Siguro marapat ding isipin yung mga ipinapanganak sa buong daigdig. Ayon sa estadistika, mas marami ang isinisilang kaysa namamatay.
Sa pagtatapos ng buwan na ito, sinasabing papalo na sa saktong 7-bilyon katao ang populasyon ng daigdig. At alam niyo ba na ang Pilipinas ay magiging pampitong pinakamalawak na populasyon sa daigdig?
Habang hindi pa mahulaan kung ano ang kahihinatnan ng kontrobersyal na RH Bill dapat bilisan ng administrasyon ang kampanya sa pagpapasigla ng ekonomiya. Ang mabuting ekonomiya ay magbubunga ng maraming de kalidad na trabaho. At kung bawat Pinoy ay may mabuting trabaho, kahit malaki pa ang populasyon y mapupuksa ang kahirapan.
Tinatayang nasa 92 milyon na ang populasyon ng bansa ngunit matinding problema pa rin ang kawalan ng trabaho. Ito raw ang prayoridad ng pamahalaan ni Presidente Noynoy. Ang pasiglahin ang ekonomiya at magkaroon ng quality jobs para sa bawat mamamayan.
Nakakalungkot na tila ipinagmamalaki pa ng bansa na ang manpower ang siyang numero uno nating export product at tagahatid ng kinakailangang dolyares sa bansa.
Okay sana iyan pero marami naman tayong kababayang nagiging biktima ng pang-aabuso at diskriminasyon sa ibang bansang pinagtatrabahuhan nila.
Panahon pa ni yumaong Presidente Cory Aquino, isinumpa na niya na lilikha ng maraming de kalidad na trabaho para aniya “hindi na kailangang mangibang-bansa
ang mga Pilipino.” Dito mismo sa atin ay daragsa na ang empleyong magpapaigi di lamang sa kabuhayan ng bansa kundi sa kabuhayan ng bawat Pilipino.
Nauunawaan naman nating hindi madaling marating ang ganyang mithiin. Umasa na lang tayo na ang adhikaing hindi narating ng ina ay maabot naman ng kanyang anak na si Noynoy Aquino.