EDITORYAL - Bawal na ang plastic bags sa Maynila

NAMUMULAT na ang mga bayan at lungsod sa perwisyong dulot ng plastic bags. Maraming bayan na ang nagpasa ng ordinansa na nagbabawal sa mga establisimento na gumamit ng plastic na supot o bags. Ang sinumang hindi susunod ay babawiin ang lisensiya. Sa mga siyudad sa Metro Manila, ang Muntinlupa ang unang nagpasa ng ordinansa na bawal gumamit ng plastic bags. Ilang taon nang bawal ang plastic bags sa nasabing lungsod. Pinakamarami namang bayan at siyudad sa Laguna ang bawal gumamit ng plastic bags. Mababanggit ang Sta. Rosa at Nagcarlan sa nagbabawal sa paggamit ng plastic bags. Pawang supot na papel ang ginagamit ng mga establishment sa dalawang nabanggit na lugar. Babawiin ang lisensiya kapag nahuling gumagamit ng supot na plastics.

Nalalaman ng mga namumuno sa Muntinlupa at Laguna na grabeng perwisyo ang dinudulot ng plastic bags sa kapaligiran kaya dapat ipagbawal ang paggamit. Ang mga itinapong plastic bags, supot at mga pinaglagyan ng noodles ang nagpapabara sa mga canal, imburnal at estero. Kapag bumara ang plastic bags at supot, aapaw ang tubig at magkakaroon ng pagbaha. Marami nang pag-aaral na isinagawa na ang plastic materials ang nagbabara sa mga daanan ng tubig. Hindi natutunaw ang plastic bags kaya nananatili ito sa mga kanal. Perwisyong dulot sa panahon ng tag-ulan.

Maganda namang malaman na ang Maynila ay malapit na ring ipagbawal ang paggamit ng plastic bags. Aaprubahan na ang ordinansa at maaaring sa Disyembre ay bawal na ang paggamit ng plastic bags at mga supot. Ayon kay Manila mayor Alfredo Lim, naniniwala siyang sa loob ng dalawang buwan ay magiging batas ang ordinansa at sa Disyembre ay bawal na ang plastic bags.

Ang Maynila ang may pinaka-maraming nakukuhang basura at lahat ay pawang plastic bag at supot. Sa mga estero ay makikita ang napakaraming basu-rang plastic. Iluluwa ito ng mga estero sa Pasig River at iluluwa naman sa Manila Bay. Subalit ibabalik din ito ng dagat sa pinanggalingan at mas marami pa. Nang manalasa ang bagong Pedring noong nakaraang buwan, tinangay ng alon sa Roxas Blvd. ang maraming basura. Pawang plastic bags at supot ang nakuha.

Sa Disyembre, bawal na ang plastic bags sa Maynila. Simula na marahil ito ito para hindi na magbaha sa Maynila.

Show comments