Simpleng kaarawan
Ang buhay kong ito’y sumapit na naman
sa isang tahimik simpleng kaarawan;
Nang Oktubre 8 taong ito lamang
ika-73 nang taong ako’y nabubuhay!
Ah, sa mundong ito’y marami nang bonus
ang sa aki’y bigay ng butihing Diyos;
Kamakailan lang may kilalang genius –
batambata pa s’ya buhay ay natapos!
Kaya nga buhay ko’y mahabang-mahaba
mabait ang Diyos ako’y pinagpala;
Matagal na buhay iyan ay sapat na
kahi’t maralita at kapos sa pera!
Ang mabuhay ngayo’y biyayang malaki
pagka’t ang panahon ay may technology;
Mga mamasid di tulad ng dati
makabagong buhay at bagong ugali!
Dati’y dampa lamang ang mga tahanan
kalesa’t kariton ang mga sasakyan;
Kung magpupunta ka sa malayong bayan
medaling marating sa bagong sasakyan!
Kaya di na hangad ang maraming pera
lalo na’t kinuha sa masamang gawa;
Sa tuwing umaga at bago mahiga
ang dinarasal ko’y masayang pamilya!
Dinarasal ko rin sa Poong Marunong
ay mahabang buhay sa habang panahon;
Kinikita ngayon ay sapat na iyon
sa paraang ginto at di gawang maton!
Sa mga pasyalan at mga aliwan
ang pinapasok ko’y simpleng panooran;
Iniiwasan ko’y sikat na restaurant
at pagkaing sobra sa aking katawan!
Sa lahat nang ngayo’y aking ginagawa
ay patungo lamang sa buhay mahaba;
Sapagka’t batid kong kung magpapabaya
sa mundong ibabaw ay baka mawala!
- Latest
- Trending