Editoryal - Bisitahin agad ang nabaha
KAILANGAN munang batikusin si President Noynoy Aquino bago magkusang puntahan ang mga lugar na sinalanta ng baha. Eksaktong isang linggo mula nang bumaha sa Pampanga at Bulacan, nagtu-ngo na roon si Aquino. Huli siyang nakita sa TV noong Linggo nang magkaroon ng press conference ang National Disaster and Coordinating Council. Inireport sa kanya ang mga nangyayari at ginagawang pag-rescue sa mga nabaha. Nagreport din ang Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture at iba pang tanggapan sa mga ginagawang pagtulong sa mga nasalanta. Pero sa kabila niyon na gumagalaw ang pamahalaan para matulungan ang mamamayan, maraming nagtatanong sa kanilang isip kung bakit hindi bisitahin ni Aquino ang mga nasalanta para makita niya ang sitwasyon. Sa TV at mga larawan lamang sa diyaryo nakikita ni Aquino ang grabeng pinsala.
Pero mayroon agad sagot ang Malacañang sa batikos. Umano’y kahit naman wala sa lugar na nasalanta ang presidente ay kumikilos naman ang mga ahensiya ng pamahalaan para matulungan ang mga binaha at napinsala ng dalawang bagyo. Umano’y hindi rin umano mahilig sa photo op ang presidente.
Pero noong Miyerkules ay nagtungo rin si Aqui-no sa mga binahang lugar at nakita mismo niya ang lawak ng pinsalang nilikha ng baha. Binisita niya ang Pampanga na balwarte ni dating President Arroyo at nakipag-usap sa mga pinuno ng probinsiya. Hindi nangibabaw ang pulitika at sa halip ay ang pagtulong sa mga nasalanta ang naging pangunahing agenda. Ipinag-utos ni Aquino ang mabilisang pagkukumpuni sa mga nasira ng bagyo at baha. Binisita niya ang Mt. Pinatubo Hazard Urgent Mitigation Project. Ito ang magsisilbing harang sa Pampanga para hindi bumaha.
Sabi naman ni Aquino, “malinis ang kanyang konsensiya” kaugnay sa pagbatikos na hindi siya nagpapakita sa mga lugar na napinsala. Nasisiyahan naman daw kasi siya sa ginagawa ng kanyang mga opisyal sa mga nasalanta ng bagyo at baha.
Mahalaga na agad madalaw ang mga napinsala para naman walang masabi sa uri ng pamumuno. Sa gitna ng kalamidad at paghihirap ng mamamayan, ang makita ang presidente ay nagpapalakas din sa kanilang loob para lumaban sa hamon ng buhay.
Marahil, may natutuhan na ang Malacañang sa pangyayari.
- Latest
- Trending