Mga karaniwang bagay malalaos
NALULUGI ang post offices sa mundo. Pakonti na kasi nang pakonti ang lumiliham sa pamamagitan ng koreo. Sa benta ng stamps kumikita ang post offices; kung kokonti lang ang nagme-mail ay manlulupaypay sila. Hindi naman sila kayang sustentuhan ng gobyerno habang buhay. Kung parcel, sa pribadong LBC o DHL o Western Union na ipinadadala.
Karamihan kasi ngayon lumiliham sa pamamagitan ng Internet. Mas mabilis at mura ito. Miski makakapal na files ng dokumento o audio o video ay ilang segundo lang i-send sa e-mail. Kung maiikling text, voice, music, picture o video messages naman, puwede nang i-SMS sa pamamagitan ng cell phone. Kaya hindi maglalaon, mawawala na ang pangkaraniwang post office at liham sa sobre.
Marami pang ibang pang-araw-araw na bagay ang maari malaos sa ating lifetime. Mahirap isipin, pero isa rito ang tseke. Sayang na gastos lang ang tseke sa papel, na nagmumula sa puno sa industrial farms. Sa Britain pinapanukalang i-phase out na ang tseke at palitan ito ng puro plastic credit o debit cards simula sa 2018. Kung magtagumpay sila, gagaya ang buong mundo.
Pakonti nang pakonti rin ang nagbabasa ng hard copy ng mga pahayagan. Ina-access na lang ng mga mambabasa ang websites sa Internet. Nababasa ang balita at opinyon hindi lang sa pamamagitan ng laptop o desktop, kundi pati tablets (iPad) at smart phones. Ang ibang tao naman, sa radyo at TV na umaasa. Kasabay nito ang malungkot na pagkonti ng nagbabasa ng libro. Nakakabobo ito ng populasyon.
Kung hindi titigilan ng mga tao ang pamimirata ng awit at pelikula, pati ang mga ito ay maglalaho. Sino ang gaganahang lumikha ng musika at cinema kung kokopyahin at pagkikitaan lang ito ng iba?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending