Pulang putik
ANG ALITAPTAP NA IKOT NANG IKOT papalapit sa apoy masusunog ang pakpak nito.
MADILIM ang paligid. Malamig ang klima sa isang kubo na malapit sa ilog at bukirin. Mga tunog ng mga hayop ng gabi ang maririnig. Malapit na rin mag-umaga kaya sa 'di kalayuan maririnig ang tilaok ng mga manok na maaga magising.
Nagimbal ang isang pamilya ng lumitaw ang isang lalakeng armado ng itak at parang nanggagapas na tinaga ang mga binatilyong natutulog sa isang kubo.
Isang lola ang nagsadya sa amin. Siya ay si Cristina “Tinay” Branzuela, 68 taong gulang ng Sahud Ulan, Tanza, Cavite.
Inirereklamo niya ang pagkataga sa kanyang apo na katorse anyos na si Nelboy Salinas.
Ang kanilang kapitbahay sa Tanza, Cavite na si Noli Balatukan ang tinuturong may kagagawan ng brutal na krimen na ito.
“Naputol ang kaliwang binti ng apo ko! May taga rin ang dalawa pang bata. Wala siyang awa pati mga bata tinira niya,” paiyak na sabi ni Lola Tinay.
Ika-17 ng Hunyo, 2011 bandang alas 4:00 ng umaga nangyari ang madugong krimen. Mahimbing na natutulog ang magkakapatid na sina Tata, 13 taong gulang, Dondon 17 anyos at Nelboy sa papag sa labas ng kanilang kubo.
“Doon talaga sila natutulog dahil masikip sa kubo at isa pa mas malamig sa labas. Malapit yun sa daanan ng tao,” sabi ni Lola Tinay.
Gising at nagsasaing na nun si Andresa, 46 na taong gulang ang ina nila Nelboy. Maaga ang simula ng araw nila dahil nagtatanim sa bukid ang buong mag-anak. Ilaw mula sa gasera ang nagbibigay liwanag malapit sa kalan.
Pikit pa ang umaga at madidinig ang ingay mula sa kahoy na pumuputok putok, nasusunog habang nakagatong sa sinasaing na bigas sa baga.
Nagulat si Andresa nang biglang lumitaw itong si Noli, 50 anyos na may dalang itak. Walang kibo, nanlilisik ang mga mata at bigla na lamang tinaga ang mga batang natutulog sa papag.
Nagising si Dondon. Mabilis na bumalikwas at tumakbo sa loob ng kubo at isinara ang pinto. Si Tata naman nataga sa balikat, nanakbo at nagtago sa may damuhan.
Si Nelboy nagising na sumisirit na ang dugo mula sa kanyang paa. Nagsusumigaw si Andresa para gisingin ang panganay na anak na si “Undo”.
Buong tapang naman hinarap ni Andresa si Noli at sinabing, “Kung papatayin mo anak ko… isama mo na ako”.
Hindi siya pinansin ni Noli. Si Nelboy ang pakay niya!
Gumapang si Nelboy para makatakas sa walang habas na pagtaga ni Noli. Nalugmok si Nelboy sa may sagingan na puno ng putik. Humalo ang dugo at putik at bumaha sa paligid. Naging pula ang kulay ng putik.
Hindi na humihinga si Nelboy. Tumingin si Noli kay Andresa at sinabing, “Patay na yan… patay na anak mo!”
Lumabas si Undo na may hawak ring itak. Hinagad si Noli na tumakbo upang makatakas. “P^t@*g ina mo! Bumalik ka dito!,” sigaw ni Undo.
Sinaklolohan niya ang kapatid. Agaw buhay si Nelboy na sinabing, “Itakbo mo ko sa ospital kuya. Gusto ko pang mabuhay”.
Binuhat nila si Nelboy. Labas ang litid, nakalaylay ang paa at sa balat na lang nakakapit. Isinugod nila ito sa Family Clinic of Tanza. Hindi daw ito kayang gamutin kaya ipinalipat ito sa Philippine General Hospital (PGH).
Wala silang pera pambili ng gamot. Nangitim ang kanyang buto… nabulok. Nagpasya ang doktor na putulin na ang kaliwang paa nito mula sa itaas ng tuhod.
Pinatulog si Nelboy bago pinutol ng doktor ang kanyang paa, Nang magising ito nagwala at nag-iiyak si Nelboy ng makitang wala na ang kanyang tuhod at paa.
May mga malalamin na taga din siya sa kanang kamay, balikat at ulo.
Ayon kay Lola Tinay ang motibo ng tangkang pagpatay ni Noli kay Nelboy ay dahil sa anak nitong babae na si “Arlene”.
May gusto daw kasi itong si Arlene kay Nelboy. Kwento ni Lola Tinay si Nelboy ay hindi mukhang katorse. Malaking bulas, makisig ang tindig, maganda ang katawan at may tipo ang mukha.
Nang malaman ni Lola Tinay na nakikipagkita si Nelboy kay Arlene na malaki ang tanda sa binata pinayuhan niya ang apo na umiwas na kay Arlene pero ito daw mismong si Arlene ang lumalapit kay Nelboy.
“Kapag walang tao sa kubo pinupuntahan ni Arlene si Nelboy at nag sasara sila ng pinto,” kwento ni Lola Tinay.
Binibigyan daw ni Arlene ng mga mga regalo si Nelboy tulad ng isang ‘Cherry mobile’ na cell phone, damit at perang pang gastos.
“Akala ni Noli hinuhuthutan lang ni Nelboy si Arlene kaya siya nagalit at nanaga,” kwento ni Tinay.
Nais ni Lola Tinay na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kanyang apo. Ang problema nila ay wala pa silang naisasampang kaso.
Inerereklamo ni Lola Tinay ang mga pulis ng Tanza dahil hihintayin pa raw lumabas itong si Nelboy sa ospital bago kunan ng pahayag.
“Kailangang masampahan ng kaso si Noli at sana makulong siya. Natatakot kami dahil sa mga banta niya. Tulungan niyo kami,” pakiusap ni Lola Tinay.
Meron din daw ibang kaso itong si Noli kaya gumagamit din ito ng alyas na Arnold Samalo.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang nangyaring ito kay Nelboy.
Bilang tulong nakipag-ugnayan kami sa hepe ng Tanza na si P/Supt. Radel Ramos. Pinangako niya na aaksyonan ang inilalapit sa amin ni Lola Tinay. Pinapuntahan na nila sa kanilang mga pulis itong si Nelboy para kunan ng salaysay.
Hiningan din sila Tinay ng kopya ng ‘birth certificate’ ni Nelboy para masampahan ng kasong Frustrated Murder in relation to violation of Republic Act 7610 (Child abuse). Para naman sa ginawa kay Tata at Dondon Double Frustrated Murders ang kasong isinampa ng Tanza PNP laban kay Noli Balatukan alyas Arnold Samalo.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kailangan pa bang hintayin lumabas ang biktima sa ospital bago kayo umaksyon? Hindi ba sapat na ang salaysay ni Andresa at iba pang bata na nandun at nasaksihan ang pananaga nitong si Noli?
Ayaw ni PNP Director General Nicanor Bartolome ng mga tamad na pulis. Dapat siguro mapalitan ang hepe ng Tanza PNP para maibalik ang tiwala ng mga taga roon na kayang protektahan ng ating kapulisan ang mga menor-de-edad na tulad nila Nelboy.
PARA sa iyo naman Noli, bakit kailangan ibaling mo ang galit sa isang katorse anyos na si Nelboy? Nasa hustong gulang na ang anak mong si Arlene. Makunat na ang balat niyan at sadyang makapal ang mukha ng babaeng yan para patulan ang isang katorse anyos na lalaki. Bakit hindi ang anak mo ang ikadena mo para hindi lumapit sa mga batang lalaking higit na mas bata sa kanya. Kaduwagan ang ginawa mong pagtaga sa mga taong tulog at walang laban. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending