Ang misis at ang biyenan
Si Sofronio ay anak ng isang mayamang pamilya. Napangasawa niya si Elvie at nagsama sila ng 10 taon. Mayroon silang tatlong menor de edad na anak. Masalimuot ang kanilang pagsasama mula pa sa umpisa at humantong iyon sa paghihiwalay. Nagsampa si Sofronio ng kaso upang legal na hiwalayan ang asawa matapos nitong pagtangkaan ang kanyang buhay.
Habang nakabinbin sa korte ang petisyon niya sa paghihiwalay, namatay ang ama ni Sofronio at nag-iwan nang maraming ipamamana. Kabilang si Sofronio sa malaki ang mamanahin. Habang inaayos sa korte ang pagdinig sa paghahati-hati ng ari-arian ng namatay, humingi si Elvie mula sa korte ng suporta mula sa ari-arian o estate ng namatay at hindi ito kinontra ni Sofronio. Pinagbigyan ito ng korte.
Sa kasamaang-palad, namatay din si Sofronio at ang panganay nitong anak nang tambangan sa kanilang probinsiya. Nang malaman ito ni Elvie, agad niyang hiningi sa korte na ibigay sa kanya ang P50,000 mula sa ari-arian ng biyenan dahil ayon sa kanya, karapatan nila ito at parte nilang mag-iina mula sa mamanahin ng asawa sa biyenan. Pinagbigyan ng korte ang hiling niya dahil sa awa, pangangailangan at pagmamadali ng mga sirkumstansiya niya. Tama ba ang korte sa ginawa nito?
MALI. Ang isinampang hiling ni Elvie sa korte para sa suporta ay walang legal na basehan na kinatatayuan dahil hindi naman siya tagapagmana ng kanyang bi-yenan. Walang obligasyon ang namatay niyang biyenan para suportahan siya. Ang dapat na ginawa ni Elvie ay humingi ng suporta sa asawa noong nabubuhay pa ito at habang nakabinbin ang kaso nila ng legal separation.
Nang mamatay naman ang asawa, ang dapat ginawa ni Elvie ay magsampa ng kaso para ayusin ang naiwang ari-arian ng asawa kabilang ang matatanggap niya bilang tagapagmana o heredero ng ama. Hindi niya puwedeng basta hingin sa korte na ibigay agad sa kanya direkta ang parteng matatanggap sana ng namatay na asawa sa ama nito dahil dapat munang ayusin ang lahat ng bayarin sa naiwang ari-arian ng biyenan (Gutierrez, Jr., vs. Macandong, 150 SCRA 422).
Sa kasong ito, ang babae ay maituturing na hindi direktang tagapagmana ng kanyang biyenan dahil ang kanyang mister naman ang tagapagmana ng biyenan at siya ang tagapagmana ng kanyang mister. Nangyayari lang ito kung sakali at buhay pa ang mister niya nang mamatay ang kanyang biyenan. Kapag naunang namatay ang kanyang asawa sa kanyang biyenan, ang matatanggap na mana ng kanyang asawa ay diretsong mapupunta sa mga anak nila bilang tagapagmana at walang matatanggap ang misis.
- Latest
- Trending