Panggigigil ni Ping Kay Mike
NAGHARAP na ng kaukulang plunder case sa Ombudsman ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay dating Unang Ginoo Mike Arroyo at iba pang opisyal ng PNP at DILG nung nakalipas na administrasyon. Ito ay kaugnay ng pagbebenta umano ni Arroyo ng segunda manong Helicopter sa PNP sa halagang brand new.
Ito yung kasong ilang araw na binusisi ng Komite ni Ping sa Senado, bagay na pinulaan ni Sen. Miriam Santiago. Ang sabi ko nga, mabuti’t ipararaan na sa Ombudsman ang kaso para mag-hands-off na ang Senado rito. Pero hindi.
Hindi ko maunawaan kung bakit itong si Sen. Ping Lacson ay gigil-na-gigil na magsampa pa ng kahiwalay na kaso ang Senado. Ayon kay Lacson, ang kaso laban kay FG ay maaaring ibase sa mga ebidensiyang lumutang sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kesyo puwede rin daw amiyendahan ng Senado ang kasong nakahain laban kay FG at sa mga iba pang nasangkot sa maanomalyang pagbebenta ng helicopters noong 2009.
Kabilang umano sa maari pang kasuhan sina Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo, Rowena del Rosario na tauhan ng kongresista at si Atty. Lope Velasco.
“We may likewise opt to include more individuals like Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo, Atty. Lope Velasco, and Rowena del Rosario at least for perjury and/or falsification of public and private documents,” ani Lacson sa inilabas na pahayag.
Sa ganang akin, tama lang na sa proper forum para- anin ang usaping ito para hindi maakusahan ng pamumulitika ang Senado.
Sinabi pa ni Lacson na ito na ang tamang panahon upang magbayad sa kaniyang mga nagawang kasalanan si FG. Tama si Lacson sa puntong iyan pero nasa Ombudsman na nga ang kaso, bayaan na sana natin ito ang umusig at magsampa ng karampatang demanda. Tutal wala na si Aling Merci na ki-natatakutan ng marami na “kakampi” ng mga Arroyo.
- Latest
- Trending