'Malansa pa sa isda ang pamamalakad!'
MALANSA pa sa bilasang isda ang pamamalakad ng Coast Saver Supermarket ng Alaminos Pangasinan.
Hinggil ito sa reklamo ng kanilang mga empleyado na ipinaabot sa BITAG sa katarantaduhan ng store manager at ng ilang opisyales ng nasabing Supermarket.
Kamakailan lang Ever Supermarket ang inireklamo sa aming tanggapan dahil sa sapilitang pagpapabayad sa mga merchandisers ng losses ng store.
Etong Coast Saver Supermarket naman, ang mga hindi nauubos at sira ng panindang bangus, sapilitang pinapauwi sa kanilang mga empleyado at salary deduction.
Narito ang buod ng reklamo ng isang inang nagpaabot sa BITAG sa kalbaryong sinasapit ng kanyang anak at mga kasamahan nito sa nabanggit na pamilihan.
“Mr Tulfo, noong makapasok at makapagtrabaho ang anak ko sa cost saver supermarket incorporation (CSI) tuwang tuwa po ako kasi akala ko makakatulong siya sa gastusin sa bahay. Ngunit namroblema lang ako dahil lagi po silang binibigyan ng bangus. Lahat po ng empleyado ng market binibigyan ng bangus. Ang mabigat pa po dito lahat ay tag- 3 kilo .Empleyado lang po ang binibigyan, ang mga supervisor hindi. Naiinis na po ako kasi lagi nalang silang may pautang na bangus di pa nga po nababayaran yung dating pinautang mayron na namang panibago. Pag bangus “Advance” pag Sweldo “Delayed”.
Kahit makiusap ka pa sa mga hinayupak na store manager at coordinator, sasagot lang sila ng “hindi pwede Girl kailangan eh”. Kahit nga po yung mga empleyado na nagboboarding house lang po eh di pinatawad kahit makiusap na ‘wag ng bigyan dahil wala silang ref.
Noong huli po nilang bigay sa anak ko ng bangus ay bilasa at mabaho na po kaya wala kaming nagawa kundi itapon nalang ang bangus para sa kaligtasan namen. Parang awa nyo na po pakiaksyonan nyo po agad itong kaanumalyaang nangyayari sa Cost Saver Supermarket Incorporation (CSI) Alaminos City Pangasinan Branch. Salamat po....
Maaaring hindi ito alam ng mismong pamunuan ng Coast Saver Supermarket dahil yung mga inatasan nilang mamuno ay nakabaluktot ang kukote.
Ang kalokohang ito, sumisingaw na sa baho sa pag-angal ng mga empleyado. Kaya naman sa mismong nagmamay-ari ng kumpanyang ito, pakibigyan na ng pansin ang sumbong ng inyong mga tauhan.
Kaya nga nagtatrabaho ang mga pobre sa inyong pamilihan para may pantustos sa pang-araw-araw na buhay hindi ‘yung kayo pa ang unang nakikinabang sa kanilang pinagpawisan.
Coast Saver Supermarket, pakiplantsa ang gusot sa inyong pamilihan sa Alaminos, Pangasinan, nanghihimasok na kami. Kilos Pronto!
- Latest
- Trending