^

PSN Opinyon

Nabiyuda ng 3 beses

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

ANG kasong ito ay tungkol kay Ellen na nabiyuda ng tatlong beses. Ang ikatlo niyang asawa ay si Chito. Si Chito ay biyudo at may limang anak. Mapera na si Ellen bago pa niya nakilala si Chito. Habang nagsasama, ibinenta sa kanila ang isang palaisdaan sa halagang P60,000.00 na babayaran ng tatlong hulog.

Ang unang P10,000 hulog ay binayaran ni Ellen ng sariIi niyang pera. Sa pangalawang hulog, nakautang ang mag-asawa ng P20,000 mula sa mga kaibigan at isinangla nila ang palaisdaan bilang prenda. Ang huling P30,000 ay nanggaling sa pinagsanglaan ng dalawang loteng esklusibong pag-aari ni Ellen at minana niya mula sa kanyang nasirang asawa.

Nang mamatay si Chito, naiwang hindi nababayaran ang P20,000 na utang nila sa kaibigan. Si Ellen na lang ang kusang nagbayad sa utang gamit ang sariling pera.

Nakilala ni Ellen si Luis. Nagpakasal sila. Dahil sa kanyang pagpapakasal, hiningi ng mga anak ni Chito na hatiin na ang palaisdaan sa kanila bilang tagapagmana. Kontra rito si Ellen. Ayon sa kanya, sarili raw niyang ari-arian o “paraphernal property” ito at hindi pag-aari nilang mag-asawa o “conjugal”. Tama ba si Ellen?

Ayon sa korte ang lupa ay magiging “paraphernal” o kaya ay “conjugal” depende sa perang ginamit na pambili nito. Malinaw na ang unang P10,000 ay galing sa sariling pera ni Ellen. Ang balanseng P50,000 naman ay galing sa mga utang ng mag-asawa kaya maituturing itong “conjugal” kahit pa lupang esklusibong pagmamay-ari ni Ellen ang isinangla para sila makautang.

Halimbawang hatiin sa anim na bahagi ang lupa, ang ikaanim na bahagi ng palaisdaan ay binili gamit ang sari­ling pera ni Ellen at ang una hanggang ikalimang bahagi ay binili gamit ang pera nilang mag-asawa, kaya maituturing na solong pag-aari ni Ellen ang ikaanim na bahagi samantalang sa kanilang mag-asawa naman ang una hanggang ikalimang bahagi.

Hindi nadagdagan ang ka­rapatan ni Ellen sa lupa porke binayaran niya ang utang ni­lang mag-asawa. Ang mangya­yari lang, magkakaroon siya ng “lien” o mauuna dapat siyang bayaran sa bahagi ng lupang kaparte niya ang asawa. Base sa kaso, ang magiging parte niya ay: (1) ikaanim (1/6) na parte bilang direktang hati niya sa lupa; (2) kalahati ng natitirang limang bahagi bilang kanyang parte sa ari-arian nilang mag-asawa; (3) 1/6 sa kalahati ng natirang limang bahagi na karapatan niya bilang taga­pagmana sa asawa at (4) ang karapatan niya sa mga binayarang pagkakautang nila ng kanyang nasirang asawa. Ito ang desisyon sa kasong Castillo Jr. vs. Pasco, 11 SCRA 102.

vuukle comment

ASAWA

AYON

BAHAGI

CASTILLO JR.

CHITO

ELLEN

MAG

NIYA

SI CHITO

SI ELLEN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with