'Pinu-pulitikang basura'
ANG BASURANG inyong itinapon babalik din sa iyo!
Isang linya sa kampanya ng paglilinis ng ating kapaligiran at kalikasan ang inilunsad sa ‘information campaign’ ilang buwan na rin ang nakalipas.
Inilabas ito sa telebisyon, radio at maski na rin sa mga dyaryo subalit walang masyadong pumansin dito hanggang tinamaan ang Metro Manila ng bangungot na dulot ng trahedya ng baha dahil sa walang tigil na ulan na dala ng bagyong ‘Ondoy’.
Ang salitang ‘Ondoy’ mula sa pangalan ay ngayong ginagamit ng pandiwa.
“Na ‘Ondoy’ ang bahay ko kaya naubos ang aming gamit…” madalas nating marinig yan sa mga naging biktima ng ‘Ondoy’.
Tanggap na ang ganitong salita sa ating bokabularyo.
Nang mangyari ito hindi natin alam kung ano ang ating gagawin at nakita natin ang karamihan sa mga lungsod sa baybayin dagat gaya ng Pasig at Marikina na pinaka na salanta ng baha. Pati ang karatig na probinsya gaya ng Laguna ay lumubog na rin.
Karma na rin ito dahil sa mga basurang ating itinapon sa ating mga kanal, estero at ang mga nagbarahang daluyan ng tubig na nasarhan dahil sa tinakpan ng mga ‘developers’ ng subdivision ang ‘drainage system’.
Ang ating Korte Suprema ay naglabas ng ‘Writ of Kalikasan’ na nag-uutos na linisin ang ating mga ilog na dinadaluyan ng tubig papunta sa Manila Bay.
May ginagawa ba ang mga ama ng mga lunsod at mga Municipalities na nakapaligid sa Manila Bay? May nabalitaan na ba kayo?
Ang Pasig at Marilao Rivers ang naiulat na kasama sa tatlumpung pinaka maduming ilog sa buong mundo!
Nabasa ko ang isinulat ni kasamang Ducky Paredes sa kanyang pitak na tinalakay ang paglilinis Marilao, Meycauayan at Obando River System (MMORS) alinsunod sa Writ of Kalikasan ng Korte Suprema.
Pinapurihan niya ang ginagawa ng Gobernador ng Bulacan na si Gov. Wilhelmo C. Alvarado at iba pang mga LGU’s na pagtatanim ng ‘mangrove trees’ sa paligid ng pampang ng mga ilog na nagsisilbing pansalag ng mga dumi, santuwaryo ng mga isda at pang harang sa panahon ng matinding bagyo at ulan.
“Kahit anong gawin mong paghukay ng ilog para alisin ang basura walang mangyayari dito dahil pagdating ng malakas na ulan at baha aanurin itong muli sa dagat. Kaya importante na may haharang dito para ’di na makabalik. Wala ng ‘back-flow’,” paliwanag ni Mang Tonyo.
Naka-usap namin ang isang mataas na opisyal ng ECOSHIELD DEVELOPMENT, isang pribadong kumpanya na pumirma ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Obando na kinatawan ng kanilang alkalde na si Orencio Gabriel.
Layon umano ng kasunduang ito na nagtatag ng isang ‘landfill’ sa Barangay Salambao, Marilao.
Ang proyektong ito ay kinatigan naman ng Provincial Board dahil ito umano ay alinsunod sa ‘Solid Management Act’ at sumusunod sa iniutos ng Korte Suprema sa kanilang ‘Writ of Kalikasan’.
“Bukod sa mga hakbangin na magpatakbo ng landfill, ang Lungsod ng Meycauayan, DENR at Ecoshield ay lumagda sa isang kasunduan upang maitaguyod ang isang pasilidad ng ‘septage treatment’ sa Meycauayan para tugunan ang suliranin ng dumi dulot ng ‘coliform contamination’,” ayon sa Ecoshield.
Maglalagay din daw ng isang ‘nursery’ ang Ecoshield upang suportahan ang mga natanim ng puno nila Gov. Alvarado kung saan aalagaan ang paglaki ng mga malilit na puno na naitanim.
Sa kanilang konserbatibong estimasyon aabot ito sa higit sa isang milyong puno bago matapos ang taon.
Kaakibat ng Ecoshield ang Panlalawigang Pamahalaan sa pag organisa ng isang ‘River Patrol’ para hintuin ang mga residente at mga planta sa pagtatapon ng mga nakalalason na basura sa mga ilog ng Bulacan.
Kung titingnan mo dapat ipagbunyi ito ng lahat ng mga Bulakeño.
Pangarap din naman ito ng lahat ng mga namumuno ng bawat bayan ng magkaroon na maayos na pamamahala ng kanilang mga ‘solid waste’.
Sakit ng ulo ang basura kapag ito’y hinayaan na hindi isinasaayos at hindi tama ang pagtapon nito.
Sila sina Maria Teresa Bondoc at ang dating gobernador ng Bulacan na si Joselito “Jonjon” Mendoza na ngayo’y Kongresista ng 3rd District ng Bulacan.
Kumokontra itong si Mendoza sa ‘river rehabilitation project’ dahil umano sa ’di sila magkasundo at magkalaban sa politika.
Ito rin umano ay para pagtakpan ang kanyang pagkukulang dahil kung ito’y magtagumpay lalabas na inutil itong si Mendoza nung kanyang termino at walang nagawa ito at pinabayaan niya ang MMORS.
“Si Mendoza na ipinangalandakan niya na siya ay isang ipinaglalaban ang pagsagip sa kalikasan ay nagbubulag-bulagan lamang sa nangyayaring pagsira sa kabundukan ng Doña Remedios Trinidad sa kanyang distrito. Napaka hipokrito naman nito,” sabi ng mga taga Obando.
Sino naman itong si Maria Teresa Bondoc? Siya ay namumuno sa “No to Bulacan Sanitary Landfill Movement.”
Madali naman sabihin yan pero meron ba naman silang ipinakikitang alternatibong solusyon sa problema ng basura sa Bulacan?
Hindi kaya ang mga ginagawa ni Bondoc na paghingi ng kontribusyon sa mga Overseas Filipino Workers ay para hintuin ang implementasyon ng RA 9003 ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na parang taliwas sa kanyang pagtatrabaho sa Senado?
Ang mga miyembro ng Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) ay hinihingi ang kanyang pagbibitiw sa kanyang pwesto sa Senado (Senate Archivist).
Gaya ng madalas sabihin na ‘kalawang ang sisira sa bakal at anay naman sa kahoy’, ang proyekto na maglagay ng isang matagumpay na ‘landfill’ sa Obando para panatilihin ang pangangalaga ng basura ay hindi papayagan ng mga taong may mga ‘hidden agenda’ at pilit na itong hihilahing pababa at gagawin ang lahat mahadlangan lamang.
PARA sa mga biktima ng krimen o may legal problems, maari kayong tumawag sa 6387285/7104038 o magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th flr., Citystate Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending